Marso 28, 2017, Basud, Camarines Norte – Maswerteng nakaiwas ang isang pedicab driver sa tangkang pananaga ng isang lalaking nasa impluwensya ng alak at diumanoy dating drug personality sa bayan ng Basud.
Kinilala ang biktimang si Robert Nazara, 41 anyos, may asawa at residente ng Purok 3, Brgy. Poblacion 1, sa bayan ng Basud.
Ayon sa ulat ng Basud PNP, nagrerepair umano ng kanyang pedicab ang nasambit na biktima ng bigla na lamang itong lapitan ng umanoy nasa impluwensya ng alak na suspek na kinilalang si Sammy Zabala, 48 anyos, may asawa at residente rin ng naturang barangay.
Tinangka umanong tagain ng suspek sa likuran ang biktima na agad naman nakaiwas at mabilis na nakatakbo kaya hindi ito tinamaan.
Tumakas naman ang suspek patungo sa tahanan nito at naiwan sa lugar ng insidente ang kaluban ng ginamit nitong itak.
Nasaksihan ng isang nagngangalang Guito Cabrejas ang pangyayari at siya ngayong tumatayong testigo.
Mag-aalas 6 kagabi, Marso 27 ng damputin ng mga rumispondeng pulis si Zabala na ngayon ay nasa kustodiya na ng Basud PNP habang inihahanda ang kasong attempted murder na isasampa laban dito.
Dati na rin umanong nasakote ng pulis ang nasabing suspek sa isang anti-illegal drug operation.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News
*Note: Ang pahayagang ito ay naniniwala na nananatiling inosente ang suspek hanggat hindi napapatunayang may sala ng korte.

