Marso 30, 2017, Daet, Camarines Norte – Pinasira ng Department of Trade and Industry Camarines Norte Provincial Office ang mga hardware products na hindi pumasa sa Philippine Standard at kinumpiska mula sa dalawang Hardware sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa pagsusuri ng DTI at ng Bureau of Product Standard, kulang sa sangkap na carbon ang umaabot sa apatnaput dalawang (42) rolyo ng steel wires ang sinira sa harapan ng publiko. Apatnaput isang (41) rolyo mula sa JS Steel Lumber Hardware and General Merchandise sa bayan ng Talisay, habang isang (1) rolyo mula naman VICTORY Hardware and General Merchandise sa bayan ng Daet .
Nagkakahalaga ng isang libo at anim na raang piso (Php 1,600.00) kada rolyo ang nasabing mga alambre, samantalang pinagmulta ang mga may-ari ng dalawang hardware ng kabuuang (P20,000.00) bilang penalidad. Labing limang libong piso (Php 15,000.00) sa JS Steel Lumber at limang pibong piso (php 5,000.00) naman sa Victory Hardware.
Ang pagsira sa mga substandard na mga produkto sa harapan ng publiko ay regular na isinasagawa ng DTI upang mag silbing babala sa ilan pang mga negosyante na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sumusunod sa Section 6 ng DTI DAO 2 Series of 2007, na nagbabawal sa pagdidisplay at pagbebenta ng mga steel wires na may mababa o kulang na carbon content at walang BPS markings.
Nanawagan naman ang DTI Camarines Norte sa publiko na maging mapanuri sa mga bibilhing kagamitan lalo na sa mga hardware materials dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng mga taong gagamit o mag ookupa sa mga itatayong gusali o tahanan mula sa nasabing mga materyales.
Maaari din umanong ipaabot sa kanilang tanggapan kung sakaling sa kanilang paningin ay hindi sumusunod sa panuntunan ang mga produktong kanilang mabibili upang magawan nila ng agarang aksyon.
Camarines Norte News

