Abril 10, 2017, Daet, Camarines Norte – Siniguro ng mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan ang seguridad sa paggunita ng Semana Santa sa Camarines Norte sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Engr. Romeo D. Doloiras, district engineer ng DPWH, naglagay ang kanilang pamunuan ng motorist assistance team sa bahagi ng barangay Tabugon sa bayan ng Sta. Elena para sa Lakbay Alalay na tutulong sa mga motorista na papasok at lalabas ng lalawigan.
Ayon pa kay Doloiras na handa na rin ang kanilang mga kagamitan kung saan magsisimula sila ng Abril 10 sa ganap na alas 12:00 ng tanghali at magtatapos sa tanghali ng Abril 17.
Sinabi naman ni Deputy Provincial Director for Administration PSupt. Bernett M. Nabunat na nagsimula na ang kanilang Oplan Summer Vacation (SUMVAC) para sa pagdating ng mga bakasyunista at tapos na rin ang mga graduation sa ibat-ibang paaralan.
Ayon pa kay Nabunat, nagtalaga na rin ng mga Police at Motorist Assistance Center sa bawat bayan ng Camarines Norte at Police Assistance Desk naman sa mga lugar kung saan pumupunta ang mga turista at mataong lugar.
Dagdag pa niya na may mga nakatalaga rin na mga kapulisan sa mga lugar kung saan dinadagsa ng tao at maaari nila itong lapitan upang humingi ng tulong kung kinakailangan.
Ayon kay FO2 Maribeth B. Arandia, public information officer ng BFP na ipinatupad na ng BFP ang Oplan Semana Santa at ang Lakbay Alalay ganundin ang paglalagay ng mga Safety Booth na mayroong mga nakatalagang personel at mga nurses sa bawat bayan dala ang kanilang mga emergency medical rescue kit.
Sa katatapos lamang na selebrasyon ng Fire Prevention Month sa nakaraang buwan ng Marso ay nagsagawa ang BFP ng mga aktibidad para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng bakasyon lalo na sa paggunita ng Semana Santa sa Camarines Norte.
Ito ay kaugnay sa isinagawang Talakayan sa PIA on air ng Philippine Information Agency (PIA) provincial office sa himpilan ng DWCN-FM Radyo ng Bayan (RNB) sa kapitolyo probinsiya kamakailan.
Reyjun Villamonte
Camarines Norte News

