70 PAMILYANG NANINIRAHAN MALAPIT SA BAGASBAS AIRPOT, PINAGHAHANDA NA PARA SA PAGPAPAALIS! TANING NA HANGGANG JUNE 20, 2017, NA EXTEND HANGGANG SA SUSUNOD NA 2 TAON!

caap608

Abril 14, 2017, Daet, Camarines Norte – Bahagyang nakahinga ng maluwag ang mga residente ng sitio Bakhaw sa Purok 1, Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte, malapit sa Bagasbas Airport matapos na ma extend ang nakatakdang taning sa mga ito para lisanin ang kanilang kinatitirikang lupa sa naturang lugar.

Ang mismong pamahalaan, sa pamamagitan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang nagpapaalis sa umaabot sa pitumpung pamilya (70) na naninirahan sa itinuturing na pag aari ng nasabing ahensya.

Bunsod nito, dumulog sa Sangguniang Bayan ng Daet ang Bakhaw Homeowners Association upang hinggiin ang tulong ng konseho, dahil umano sa paunang impormasyon sa kanila, ay hanggang sa Hunyo 20, 2017 na lamang sila binibigyan ng panahon para lisanin ang kanilang lugar.

Nabahala dito ang Sangguniang Bayan ng Daet at inimbitahan ang kinatawan ng CAAP sa kanilang sesyon nitong nakatalikod na Lunes, Enero Dyes (10).

Sa naturang sesyon, kinumpirma ni Atty. Nielito Lupango, kinatawan ng CAAP sa rehiyong Bicol na binigyan na nga nila ng taning hanggang sa naturang petsa na lamang ang mga residenteng nakatira sa kanilang nasasakupan.

Gayunpaman, aminado ito na nasa proseso pa lamang sila ng pagpapatitulo sa nasabing lupa at tanging Tax Declaration pa lamang ang kanilang pinanghahawakan. Ang pagpapaalis anya sa mga residente sa kanilang lugar ay bahagi ng proseso ng nasabing pagpapatitulo.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Kosehal Sherwin Asis, ng SB Daet, humingi anya sila ng konsiderasyon sa pamunuan ng CAAP na mapagkalooban ng parsel ng lupaing sakop pa rin ng pagmamauy-ari ng CAAP ang mga apektadong residente upang doon na lamang pagsama-samahin ang mga ito. Ito rin kase ang apela at pakiusap ng nasabing mga residente na lagpas na ng apat na dekadang naninirahan sa naturang lugar.

Ayun kay Konsehal  Asis, madali lamang sa para Pamahalaang Lokal ng Daet na mapagkalooban ng relocation site kung kinakailangan ang nasabing mga residente subalit masyado ito malayo sa kanilang kinagisnang komunidad at pamumuhay.

Hindi anya ito magiging madali para sa mga residente dahil hindi naman madali ang malagyan ng kuryente, tubig at ilan pang mga pasilidad sa paglilipatang lugar o relocation site na ipagkakaloob ng LGU Daet.

Tugon naman ni Atty. Lupango, hihintayin na lamang nila ang magiging tugon ng kanilang nakatataas na pamunuan sa magiging sulat ng Sangguniang Bayan at ng Pamahalaang lokal ng Daet.

Anya, wala muna silang ipalalabas na notice of eviction sa loob ng hanggang dalawang taon hanggat hindi nila natutugunan o nareresolba ang nasabing pakiusap.

Labis naman itong ikinatuwa ng mga residente  sa CAAP at nagpasalamat rin sa tulong suporta ng pamahalaang lokal ng Daet sa pamamagitan ni Mayor Benito Ochoa at ng Sanggunniang Bayan ng Daet, gayundin kay Punong Barangay Doming Bacurin.

Sa mahigit nang apat na dekada o lagpas nang apatnapung taon na naninirahan doon ang mga residente, labis din nilang ikinabigla ang nasabing planong pagpapatalsik sa kanila sa naturang lugar.

Gayunpaman, nakahanda naman sila kung anuman ang kahihinatnan ng kanilang kapalaran depende sa desisyon ng kinauukulan.

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *