Abril 19, 2017, Paracale, Camarines Norte – Sunog at wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng mag ina habang maswerteng nakaligtas naman ang tatlo pang miyembro ng pamilya matapos matupok ng apoy ang kanilang bahay sa Purok 5 Barangay Dalnac, Paracale Camarines Norte kahapon ng madaling araw.
Hindi na nakaligtas pa ang mag inang sina Nerresa Velasco Delemios 36, anyos at ang kanyang bunsong anak na si Jessa Delemios, 9 anyos mula sa nagngangalit na apoy habang sugatan naman ang amang si Mike Delemios at anak na si Jerick Delemios. Mapalad naman na walang tinamong sugat ang panganay na si Nerry Mae Delemios.
Ayon sa panayam ng DWLB FM sa asawa ng nasawi, nagising na lamang umano siya na nasusunog ang kanilang bahay at agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay na agad naman umanong tumugon.
Sa pahayag ng mga tumulong na kapitbahay, una nilang sinubukang buksan ang pinto sa kusina ng bahay subalit bigo sila dahil malaki na ang apoy dito kaya’t sinira nila umano ang grills na nakaharang sa bintana at siyang dinaanan ng mga nakaligtas na miyembro.
Hindi naman umano agad na nakalabas ang bunsong anak na Jessa sa loob dahilan upang balikan ito ng ina. Sinubukan pa umanong lumabas ng dalawa subalt nagsimula nang magbagsakan ang mga nasusunog na yero .
Rumesponde naman ang BFP Paracale at BFP Labo sa pinangyarihan ng sunog kasama ang PDRRMO subalit halos tupok na ang nasambit na bahay at wala ng buhay ang mag ina nang makarating ang mga ito.
Muli namang nag paalala ang tanggapan ng BFP na mag doble ingat at siguruhing walang maaaring pagmulan ng sunog tulad ng kandila o gasera bago matulog o umalis ng bahay. Makabubuti rin umanong icheck ang mga electrical wirings ng tahanan at bunutin sa pagkasaksak ang mga appliances kung hindi ito ginagamit upang maiwasan ang katulad na insidente na maaaring ikawala ng ari-arian at kumitil ng buhay.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News
Details courtesy of DWLB Fm

