Mayo 1, 2017, Jose Panganiban, Camarines Norte – Pinasok ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang pagawaan ng alahas sa Purok 3, Brgy. South Poblacion, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS), 7:00 ng umaga kahapon, Abril 30, 2017, nadiskubre ng biktima na si Rolando Salen y Soco, 40 anyos, may asawa at residente ng Purok 6, Brgy. Plaridel, Jose Panganiban, Camarines Norte na nilooban ang Canaria’s Gold Smith Shop na kanyang pag aari at nawawala na ang ilang items dito.
Kabilang sa mga natangay ng hindi pa nakikilalang suspek ang assorted silver earings na may halagang umaabot sa Php 30,000.00, assorted birth stones na umaabot sa Php 15,000.00 ang halaga at digital weighing scale na may halagang humigit kumulang Php 7,500.00.
Narekober mula sa pinangyarahian ng insidente ang isang (1) vise-grip tools na pinaniniwalaang ginamit ng suspek upang sirain ang bisagra ng main door ng nasambit na establisyemento.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow up investigation ang Jose Panganiban MPS para sa pagkakakilanlan ng suspek at pagkadakip dito, gayundin ang pagsauli sa mga ninakaw na alahas at gamit.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

