INSIDENTE NG PAMAMARIL SA DALAWANG BINATA NG HINDI NAKILALANG SUSPEK, NAITALA SA BAYAN NG LABO!

labomap608

Mayo 2, 2017, Labo, Camarines Norte – Isang insidente ng pamamaril mula sa hindi pa nakilalang suspek ang naitala sa Labo, Camarines Norte kung saan dalawang binata ang naging biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Labo PNP,  bandang 10:00 ng gabi kamakalawa, Abril 30, 2017, sakay umano ng isang motorsiklo at nasa kahabaan ng Maharlika highway sa Brgy. Malatap  ang mga biktimang parehong binata at magsasaka na sina Reynaldo Clores y Batacao, 24 anyos, residente ng Purok 5, Brgy. Canapawan, Labo, 

Camarines Norte at Darwin Nabela y Ybañez, 35 anyos at residente ng Purok 2, Brgy. Anameam ng parehong bayan.

Sa hindi pa matukoy na motibo, bigla umanong pinaputukan ang mga nasambit na biktima ng hindi pa nakilalang suspek na nakasuot ng itim na ball cap at shorts at puting t-shirt habang sakay naman ng isa pang motorsiklo na kulay berde.

Tama ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang tinamong mga biktima na agad dinala sa Camarines
Norte Provincial Hospital (CNPH) para sa kaukulang atensyong medikal.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow up investigation ang Labo MPS para sa pagkakakilanlan ng suspek at pagdakip dito.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *