Mayo 4, 2017, Daet, Camarines Norte – Pasado sa November 2016 bar exam at mga ganap ng abogado ang tatlong produkto ng Camarines Norte School of Law.
Kinilala ang mga bagong abogadong ito na sina Atty.Rogelyn Parale Malaluan, Atty.Fay Frances Rañada Santiago, at Atty.Alex Jimenez Vega.
Opisyal na inanunsiyo ng Korte Suprema ang resulta ng nasabing exam bago mag tanghali kahapon, Mayo 3, 2017 kung saan kabilang nga ang tatlong (3) nabanggit na mga nagtapos sa CNSL.
Inihayag ni Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco Jr., 2016 Bar Committee Chairperson na nasa 6,344 ang kumuha ng maituturing na pinakamahirap na pagsusulit sa bansa kung saan 3,747 ang pumasa.
Itinakda naman ng kataas-taasang hukuman ang oathtaking sa darating na Mayo 22, 2017 alas-3:00 ng hapon sa Mall of Asia Arena, sa Pasay City.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

