Mayo 8, 2017, Daet, Camarines Norte – Inilunsad ang programa para sa mga minero sa Camarines Norte sa pamamagitan ng Convening Actors to Reduce child labor and Improve working conditions (CARING-Gold) Project at Artisanal and Small-Scale Mining (ASGM) Roadmap na isinagawa sa Wiltan Hotel sa bayan ng Daet kamakailan.
Pinangunahan ito ng Ban Toxics at International Labour Organization (ILO) katuwang ang Department of Labor and Employment, Pamahalaang Panlalawigan at mga Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Labo, Jose Panganiban at Paracale.
Ayon kay Evelyn Cubelo, development program manager ng BAN Toxics at project manager ng CARING Gold na ang proyektong ito ay konkretong tulong upang mabigyan ng kapasidad ang mga barangay at magtulungan ang mga lokal na pamahalaan na mabawasan ang child labor sa mga minahan at masiguro na magkaroon sila ng kaligtasan sa kanilang kalusugan.
Aniya, matulungan rin ang mga komunidad na mayroong problema sa mga nakalalasong kemikal lalo na ang paggamit ng mercury o asoge sa pagmimina partikular na sa Camarines Norte.
Dagdag pa niya na matulungan din ang 50,000 pamilya ng naturang mga bayan na ang hanapbuhay ay pagmimina na kailangan bigyan ng pansin at maiahon sila sa kahirapan at magkaroon ng magandang buhay sa kanilang komunidad.
Nagpaalala si Cubelo sa mga minero na gawing responsable ang pagmimina sa pamamagitan ng hindi paggamit ng mercury o asoge, walang child labor, maganda ang kondisyon ng kalusugan at kapaligiran ganundin ay nagtatanim ng mga punongkahoy at walang kontaminasyon sa mga katubigan.
Sinabi naman ni Giovanni Soledad, project coordinator ng ILO at project manager ng CARING Gold na misyon ng ILO na matulungan ang mga minero na magkaroon ng marangal na pamumuhay, hanapbuhay at trabaho.
Aniya, ang proyektong ito ay upang gamitin at makatuwang ang pamahalaang panlalawigan para matulungan sila na maging legal ang kanilang pagmimina sa pagkakaroon ng minahang bayan at mawala ang mga batang nagtatrabaho sa mga minahan.
Ayon naman sa pahayag ni Robelinda dela Rosa, assistant regional director ng DOLE sa rehiyong bikol na ang mga minero ay bibigyan ng alternatibong pagkakakitaan sa ilalim ng programang pangkabuhayan at matulungan na maipatala ang kanilang organisasyon.
Nakatakda rin magbigay ang DOLE ng mga kagamitan upang mas mapadali ang pagpoproseso sa pagmimina at maging ligtas ang mga minero sa kanilang paghahanapbuhay ayon pa rin kay dela Rosa.
Ipinahayag naman ni Serafin E. Dasco, presidente ng pederasyon ng Samahan ng mga Minero sa Paracale, sa pamamagitan ng Ban Toxics at ILO ay nakita nila ang kahalagahan ng hindi paggamit ng Mercury dahil ito ay nakakalason sa ating kapaligiran.
Ayon pa kay Dasco, sila ay natutulungan upang matukoy ang mga suliranin lalo na ang kanilang problema na maging legal ang pagmimina at mapangalagaan ang kanilang kaligtasan at mabigyan ng deklarasyon na magkaroon ng minahang bayan.
Sinabi pa niya na sa paglulunsad ng naturang proyekto ay matututunan ng mga minero ang maging responsible sa pagmimina sa hindi paggamit ng nakalalasong kemikal at mapapangalagaan ang kalikasan.
Dagdag pa ni Dasco na hindi lang dapat pagmimina ang kanilang pinagkakakitaan kundi mabigyan rin sila ng livelihood program na makakatulong sa pang-araw-araw na pangkabuhayan.
Kung sila aniya ay magkakaroon ng minahang bayan ay malaki ang maitutulong nila sa pamahalaan dahil makakapagbigay sila ng buwis mula sa pagmimina at mawala na rin ang mga batang nagtatrabaho sa mga minahan ayon pa rin kay Dasco.
Sinabi rin ni Charito Elcano, presidente ng Pinuhan Small Scale Miners Association sa bayan ng Jose Panganiban na ang proyektong ito ay malaking bunga ng pagtutulungan ng mga minero sa tulong ng Ban Toxics at ILO na maiparating ang kanilang kahilingan sa pamahalaan na maging legal ang kanilang pagmimina.
Ayon pa kay Elcano na makilala rin kami bilang industriya sa sektor ng pagmimina dahil malaki ang naitutulong nito sa Camarines Norte at malaking bagay rin ito sa bawat pamilya na magkaroon ng pinagkakakitaan mula sa tulong ng BAN Toxics at ILO.
Samantala, isinagawa rin ang Memorandum of Understanding sa pamamagitan ng paglagda mula sa mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan, pamahalaang lokal ng Labo, Jose Panganiban,Paracale at ng Ban Toxics at ILO..
Ang Ban Toxics ay isang non-government organizations na layuning mapigil ang paggamit ng nakalalasong elemento sa katawan ng tao kung saan nagsasagawa ng adbokasiya upang matigil ang paggamit ng Mercury.
Tumutulong rin ito upang mapangalagaan ang kalikasan at iligtas ang mga komunidad laban sa mga nakakalason at mapanirang kemikal na ginagamit ng mga minero sa pagmimina katulad ng asoge.
Reyjun Villamonte
Camarines Norte News

