May 15, 2017, Daet, Camarines Norte – Sa kabila ng matinding sama ng loob dahil sa sinapit ng kanilang kamag-anak na si Sarah Mae Cabatingan dito sa bayan ng Daet, labis labis pa din ang pasasalamat ng mga kaanak ng biktima dahil sa pag asikaso ng mga taga Daet, sa bangkay ni Sarah habang hindi pa ito nakikilala.
Kamakalawa, araw ng Sabado, ng dumating sa bayan ng Daet si Ginoong Jacky Solitana at isa pang kaanak nito para sunduin na ang bangkay ni Sarah Mae.
Bago pa man makarating sa bayan ng Daet sina Jacky, una na itong nakipag ugnayan sa tanggapan ni Mayor Benito Ochoa, at maging sa ilang miyembro ng media sa Camarines Norte na tumulong din sa kanila.
Binayaran ni Mayor Benito B2k Ochoa ang lahat lahat ng gastusin ng biktima sa punerarya sa pananatili nitong ng mahigit isang linggo hanggang sa pag biyahe nito patungo ng Maynila. Pinatututukan din ni Mayor Ochoa ang kaso hanggang sa tuluyang makamit ng biktima ang husitsya para dito.
Sa tulong naman ng media, partikular ng Brigada News FM Daet, nakipag ugnayan ang pamilya para sa pagtungo nila dito sa bayan ng Daet.
Kasama sa sumalubong sa mga kaanak sina Daet Municpal Administrator Dr. Ronaldo Paguirigan, General Services Officer Arnel Moreno at Municipal Information Officer Sir Edwin “Pido” Domingo bilang mga kinatawan ni Mayor Benito Ochoa, samantalang si Provincial Information Officer Sherwin Mata naman para kay Governor Edgardo Tallado.
Tumungo rin sa himpilan ng pulisya ang mga tiyuhin ni Sarah Mae at labis ang sama ng loob ng mga ito ng makita ang suspek na si Cezar Sulivan. Anila, malaking tao umano ang suspek samantalang napakaliit lamang ng kanilang pamangkin ay nagawa pa itong patayin.
Nagpasalamat din ang iba pang mga kaanak nito na unang nakakuha ng impormasyon sa pamamagitan ng Camarines Norte News at iba pang social media sites, partikular sa DWFB ni Francisco “Ka Kiko” Elevado ng Pilipino Star Ngayon, na nagkalap ng donasyon ng halagang mahigit labing limang libong piso (Php 15,000.00), gayundin si Jorge Dayaon ng PBN-DZMD na nakakalap ng mahigit anim na libong piso (Php 6,000.00) mula sa kanila ring mga taga subaybay.
Hanga din ang pamilya ng biktima sa pulisya ng Daet sa pag tutok sa kaso hanggang sa pagsuko ng suspek. Una nang sinabi ni Daet MPS Chief Supt. Wilmore Halamani na bago pa man sumuko ang suspek ay alam na nila ang pagkakakilanlan nito. Dahil na rin sa malalim nilang pagsaliksik sa kaso at sa tulong ng social media kung saan nakuha ang larawan ng suspek. Ang pagkakabulabog ng usapin sa social media at sa pagkalat ng larawan ng suspek ang posibleng isa umano sa dahilan ng pagsuko nito.
Bago lumisan sina Solitana, iniabot na ng mga tumulong ang kanilang mga nakalap na salapi bilang tulong sa gastusin ng pamilya ng biktima.
Ikinagulat ng kaanak ang ganda ng kalooban ng mga mamamayan ng Daet at sinabi mismo ni Ginoong Jacky Solitana na ipararating pa nya sa kanyang mga kababayan sa Davao Del Sur ang kabutihan ng mga mamamayan dito sa kabila ng sinapit ng kanilang kaanak sa kamay ng isang mamamayan ng Camarines Norte.
Magugunitang mula sa ibang ibang bansa, umuwi sa Pilipinas si Sarah Mae Cabatingan upang tugunan ang anak nitong may sakit. Subalit bago ito umuwi sa kanilang probinsya sa Davao Del Sur, dumaan muna ito sa bayan ng Daet upang katagpuin ang karelasyon na si Cezar Sulivan, residente ng bayan ng Basud na nagpakilalang si Alexander “Sander” Martinez.
Sa kanilang tinuluyang hotel, dito napatay ng kasintahan ang biktima sa pamamagitan ng mga saksak sa dibdib na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.
Rodel M. Llovit/Charlotte V. Marco
Camarines Norte News
Photo Credits to Brigada News FM Daet

