May 16, 2017, Daet, Camarines Norte – Muling naungkat ang issue ng legaledad ng Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng Camarines Norte Water District at Prime Water matapos ang kaliwa’t kanang reklamo hinggil sa ipinapataw na ngayong 12% EVAT sa bawat miyembro konsesyunaryo.
Lantaran ang pagtutol dito ng Camarines Norte Consumer Protection Group (CNCPG) dahilan sa anila’y isa nang ganap na pribado sa ngayon ang CNWD matapos ang pakikipag-isa sa isang pribadong kumpanya na Prime Water.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay Ginoong Bert Albia, Board of Director ng CNCPG, lantaran umano ang panlilinlang ng mga dating board of directors ng CNWD matapos na palihim na lumagda sa kasunduan sa Prime Water na nauwi na ngayon sa pagsasapribado.
Nabatid din sa pakikipag ugnayan ni Albia sa Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi anya ng opisyal ng BIR na hindi pa dapat na mag kolekta ng EVAT ang Prime Water kundi sa susunod pang taon. Agad ding tumungo si Albia sa tanggapang ng Prime Water at wala umano syang nakuhang malinaw na tugon mula sa mga kawani nito kung bakit ngayon pa lamang ay naniningil na sila ng EVAT sa mga konsesyunaryo.
Sa nakalipas na mga taon, sa ilalim ng pamamahala sa CNWD bilang Government Owned and Controlled Corporation o GOCC, walang sinisingil na EVAT ang CNWD sa mga konsesyunaryo at ngayon lamang ito nagkaroon mula ng mapunta sa pribadong kumpanya ang pamamahala nito.
Sa loob na anya ng halos isang taon mula ng maganap ang JVA, wala pang nakikitang katuparan ng mga ipinangakong pagbabago o progreso ng serbisyo ng nasabing kumpanya.
Kamakailan lamang, personal na ipinaabot ni Ginoong Albia ang kinukwestyong JVA sa tanggapan ng Presidential Action Center at doon tila nakakuha ng kakampi si Albia matapos anyang mismong ang mga opisyal nito ang nagpahayag na ito ay hindi makatarugan para sa mamamayan ng lalawigan ng Camarines Norte.
Agarang inatasan ng PAC ang Local Water Utilities Administration o LUWA na agarang tugunan ang reklamong ipinarating ni Albia.
Nitong nakatalikod na araw ng Biyernes, Mayo 12, 2017, tumawag kay Albia ang kinatawan ng LUWA at humihingi ng sampung araw para sa kanilang katugunan.
Desidido umano ang PAC na iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang injustice sinapit ng mga miyembro konsesyunaryo ng CNWD sa Camarines Norte na naging dulot ng JVA.
Sa ngayon ay inihahanda na ng Camarines Norte Consumer Protection Group ang isang petisyon sa pamamgitan ng signature campaign upang tutulan ang JVA at maibalik sa dating sitwasyon ang CNWD.
Walang nakikitang dahilan ang grupo para pumasok sa JVA ang CNWD at malinaw na sapat ang kakayahan nito para maisaayos ang sebisyo ng nasabing water service utility.
Ayun pa kay Albia, maliban sa signature campaign, tutuloy sila sa pag dulog sa korte upang maipalabas ang TRO para sa nilagdaang kasunduan ng dalawang kumpanya.
Samantala, nitong nakatalikod na Lunes, sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet, nagsagawa na rin ng Privilege Speech si Konsehal Marlon Bandelaria kaugnay sa nasabing usapin. Mariin din ang pagtutol ni Bandelaria sa naging aksyon ng CNWD hinggil sa nasabing kasunduan.
Dumalo rin sa naturang sesyon si Ginoong Bert Albia at ipinarating sa konseho ang mga hakbanging isinasagawa ng CNCPG ukol sa nasabing isyu.
Sa susunod na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet, nakatakdang imbitahan muli ng naturang konseho ang mga kinatawan ng CNWD Prime Water hinggil pa rin sa nasabing usapin.
Buo rin ang suporta ni Konsehal Rosa Mia King ng Sangguniang Bayan ng Daet sa nasabing pagkilos bilang pangulo ng Camarines Norte Consumer Protection Group.
Samantalang sinabi naman ni Sangguniang Panlalawigan Public Utility Chairman Bokal Pol Gache na hindi rin sila dito nagpapabaya at sa katunayan anya ay tatlong bese na nila ipinatawag sa kanilang sesyon ang kinatawan ng CNWD at Prime Water.
Ayun kay Gache, marapat lamang anya na maipawalang bisa ang Joint Venture Agreement o JVA sa pamamagitan ng pag dulog sa korte o sa tanggapan ng pangulo.
Nakahanda aniya ang kanyang kometiba na magsulong ng resolusyon na hihilingin ng mamamayan upang masuportahan ang mga ito sa hangarin na maibalik sa dating sitwasyon ang Camarines Norte Water District.
Rodel M. Llovit/Charlotte Marco
Camarines Norte News

