Mayo 16, 2017, Vinzons, Camarines Norte – Hindi na nakatakas pa ang isang lalaking suspek matapos itong manaksak at agad na naaresto ng kapulisan sa Purok 6, Sitio Mantigbi, Brgy Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norte.
Kinilala ang nadakip na si Jose Villeno y Quinito, nasa hustong edad, may asawa at residente ng nasambit na lugar.
Sa ulat na nakaabot sa Camarines Norte Police Provincial Office, nag iinuman ang ilang magkakaibigan kabilang ang biktimang si Ronie Villeno y Rivarez, 26 anyos, may asawa, construction worker at residente ng parehong lugar sa tahanan ng isang Louie Villeno kamakalawa, Mayo 14, dakong 5:30 ng hapon.
Sa hindi matukoy na dahilan, mula sa likuran ay bigla na lamang umanong lumapit ang suspek na armado ng kutsilyo at dagliang sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng likod nito.
Naagaw naman ni Louie ang patalim mula sa kamay ng suspek na agad naman umanong tumakbo patungo sa tahanan nito at kumuha ng bolo.
Tumakbo pa umano ang suspek sa damuhang bahagi ng lugar subalit doon na ito nacorner ng mga rumispondeng personel ng Vinzons Municipal Police Station (MPS) at tuluyan nang nadakip.
Samantala, agad namang isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima ng mga kamag anak nito para sa atensiyong medical.
Nasa kustodiya na ng Vinzons MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

