Hunyo 1, 2017, Daet, Camarines Norte – Patay ang isang lalaki sa isang insidente ng pananaksak na naganap sa Purok Mapang-akit, Brgy. Palanas, Paracale, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Richard Lamadrid y Jamito alias “Rex”, 44 anyos, walang trabaho, walang asawa at residente ng nasambit na lugar.
Base sa ulat na nakaabot sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), dakong 2:30 ng madaling araw kahapon, Mayo 31, nang magising umano ang mga saksi dahil sa ingay ng nag aaway mula sa labas ng kanilang tahanan.
Nang buksan umano ng mga ito ang bintana, doon na tumambad ang katawan ng biktima na puno na ng dugo at ang suspek na aramdo ng kutsilyo na kinilalang si Teofilo Fertez y Serrano alias “Filo”, 31 anyos, may kinakasama at residente ng parehong lugar.
Nakatakbo pa ang suspek palayo sa pinangyarihan ng krimen subalit agad ding naaresto matapos ang isinagawang follow up investigation at hot pursuit operation ng Paracale Municipal Police Station (MPS).
Sasailalim sa post mortem examination ang bangkay ng biktima habang nasa kustodiya na ng nabanggit na MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na rin ang kaukulang kasong isasampa sa korte laban dito.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

