KAAYUSAN NG DAET PUBLIC MARKET, INAAKSYUNAN NA NG BAGONG MARKET ADMINISTRATOR!

daet-market-608-4

Hunyo 2, 2017, Daet, Camarines Norte – Sinisimulan nang aksiyunan ng bagong public market administrator ng bayan ng Daet ang kaayusan ng nasabing pamilihan at solusyunan ang ilang problema partikular na ang sobra sobrang bilang ng mga ambulant vendors  sa bahagi ng Felipe Segundo St.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm kay Ginoong Rene Rosales, ang sa ngayon ay Daet Public Market Administrator, sa loob ng dalawang linggo matapos siyang maitalaga sa naturang puwesto ay nagsagawa na siya ng inspeksiyon sa pamilihan upang makita ang kasalukuyang sitwasyon nito.

Aniya, sa mga nakalipas na araw ay isa isa niyang kinausap ang mga ambulant vendors sa Felipe Segundo St. upang paalalahanan na hindi magtatagal ay kinakailangan na nilang umalis sa naturang lugar dahil para sa mga sasakyan ang kalsada at hindi para sa mga nagtitinda base na rin sa Market Code na ngayon ay nasa pahayagan na at ipinamamahagi na upang mabigyang kaalaman ang mga nagtitinda sa nasabing pamilihan.

Positibo naman aniya ang naging tugon ng mga ito ngunit hiniling na kung aalis sila, dapat ay lahat kung lahat.

Ayon pa kay Rosales, sa record na hawak nila ay umaabot sa 87 ang ambulant vendors na nagtitinda sa nasabing kalsada at ilan sa mga ito ay mga dayuhan.

Samantala, ilang pagbabago na rin umano ang makikita sa public market sa tulong ng Pamhalaang Lokal ng Daet katulad ng mas maayos na bentilasyon, public toilet, bubong at mismong opisina ng pamilihan.

Nakatakda na rin aniayng magsagawa ng pagpupulong ang mga bumubuo sa Public Market Advisory Council na kinabibilangan ng ibat ibang ahensiya at departamento na may kinalaman sa pagpapanatili ng  kaayusan ng Daet Public Market.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *