Hulyo 3, 2017, Daet, Camarines Norte – Libreng live streaming at pananghalian ang inihandog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa mga mamamayan na nagnais mapanuod ang Battle of Brisbane: Pacquiao vs Horn kahapon sa Agro Sports Center sa bayan ng Daet.
Dinagsa at halos mapuno ang loob ng sports center ng mga mamamayan na matiyagang pumila sa ilalim ng araw upang maenjoy ang panunuod ng live sa laban ng pambansang kamao.
May libre pang pananghalian na ipinamahagi sa mga nanuod na labis ikinatuwa ng mga ito.
Matamang pinakinggan ng mga tao ang pagkanta ng pambansang awit ni Christina Allado sapagkat batid ng karamihan ang batas na nakaakibat dito at di naman nabigo ang mga mamamayan sa inaasahang himno.
Nag-uumapaw na sigawan at tuwa habang tumatama ang suntok ng pambansang kamao na napalitan ng kalungkutan sa naging resulta ng laban na ang halos pinapaboran ng karamihan ay ang ating kababayang boksingero.
Bagamat hati sa mga palagay at pag aanalisa ng laban ang ating mga kababayan ay sadya talaga umanong may nagwawagi at may mga natatalo sa larangang ito.
Orlando Encinares/Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

