BUDOL BUDOL GANG MULING UMATAKE SA BAYAN NG DAET; SENIOR CITIZEN NA GINANG, NABIKTIMA!

Hulyo 9, 2017, Daet, Camarines Norte – Labis ang panlulumo ng isang ginang na senior citizen matapos maging biktima sa isang insidente ng budol-budol sa bayan ng Daet.

Kinilala ang biktima na si Violeta Panotes y Echano, 64 anyos, dating OFW at residente ng Brgy. Borabod, Daet, Camarines Norte.

Sa imbestigasyong isinagawa ng Daet Muncipal Police Station (MPS), dakong 10:30 ng umaga nitong nakatalikod na araw ng huwebes, Hulyo 6, habang nasa loob umano ng Novo store ang biktima, nilapitan umano ito ng isang di nakilalang babaeng suspek. Tinanong umano nito ang biktima kung may alam na hardware sa naturang bayan.Habang nag uusap ay lumapit naman umano ang isa pang babae na nagsabing may alam ito.

Matapos magkasundo, sumakay umano ang dalawang suspek kasama ang biktima sa isang sasakyan na naghihintay sa labas ng pamilihan at nagtungo sa Brgy. Pasig ng parehong bayan.

Habang nasa loob ng sasakyan ay kinakausap umano ng mga suspek ang biktima at nabanggit ng huli na mayroon itong isandaang libong pisong (Php 100,000.00) halaga ng savings account sa isang bangko.

Kinumbinsi naman umano ito ng isang suspek na ibigay ito sa kanila at kapalit ay dodoblehin nila ang nasambit na halaga.

Nagtungo umano ang tatlo sa PNB sa Brgy. III kung saan nag nag withdraw ang biktima ng nabanggit na halaga ng pera at ibinigay ito sa mga suspek.

Bilang tanda ng pagtitiwala, bago naghiwalay ay binigyan umano ng kulay pink na bag ng mga suspek ang biktima na naglalaman ng diumano’y dalawang daang libong piso (Php 200,000.00) at sinabi na magkita sila sa Jollibee sa F. Pimentel, Brgy. VI sa bayan ng Daet.

Nagtungo naman ang biktima sa napagkasunduang lugar subalit hindi na muli pang nagpakita ang mga suspek.

Doon na umano binuksan ng biktima ang pink na bag na binigay ng mga suspek at saka nadiskubreng hindi pera ang laman nito kundi mga bundle ng papel.

Bukod ditto, natangay rin umano mula sa biktima ang ilang alahas na nagkakahalaga ng limampung libong piso (Php 50,000.00), at isang (1) Samsung Galaxy A8 na cellphone na nagkakahalagang Php 28,000.00,

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang mga personel ng  Daet MPS ukol sa pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang pagkadarakip dito gayundin ang pagsauli sa mga natangay na pera at kagamitan.

Muli namang nagpaalala ang kapulisan na maging mapanuri sa mga taong kinakausap at iwasang magtiwala sa mga taong may kahina hinalang kilos upang hindi mabiktima ng mga ito.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *