Hulyo 17, 2017, Daet, Camarines Norte – Di halos makausap ang driver ng isang motorbike dahil sa iniindang matinding sakit mula sa malubhang sugat na tinamo sa kaliwang binti nito matapos aksidenteng sumabit ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang 14-wheeler truck sa Daet, Camarines Norte.
Naganap ang aksidente sabado ng gabi Hulyo 15,2017 sa isang kurbada ng Diversion Road sa Brgy. Camambugan, Daet, Camarines Norte dakong 9:00 kung saan ayon sa ilang saksi, pilit lumusot sa kanang bahagi ang motorbike na may plakang 5467 ET subalit sa unahang bahagi ng kurbada ay naroon ang pakanan na 14-wheeler truck na may plakang ZOY 433.
Nagulat na lamang umano ang driver ng truck sa narinig paglagabog at nakita nito sa side mirror ang sumabit na motorsiklo.
Nag-aatubiling bumaba ang driver ng truck na nagkataong kadedeliver lang ng mga pangargang semento sa kamaynilaan sa pangambang baka dumugin siya ng mga nakakita at gulpihin.
Samantala, isang nakasaksi naman sa insidente ang humarang sa unahan ng truck gamit ang kanyang motorsiklo at kinausap ang driver na magtungo sa istasyon ng pulisya.
Inaalam na ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa aksidente na agad dinala sa pagamutan at sa Daet MPS ng mga nakasaksi sa aksidente.
Itinuturong ang mabuhanging kalsada na hindi kinaya ng preno ng motorsiklo ang naging sanhi ng aksidente.
Orlando Encinares
Camarines Norte News

