MGA PINANINIWALAANG BAKWIT MULA SA MARAWI, NAGTAYO NG BAHAY SA BAHAGI NG RIVER BANK SA BARANGAY BAGASBAS!

bagasbas608

July 18, 2017, Daet, Camarines Norte – Malakas ang paniniwala ni Daet MPS Chief Supt. Wilmore Halamani na mula sa lunsod ng Marawi sa Mindanao ang mga bagong mukha na nagtayo ng kanilang mga bahay sa isang bahagi ng River Bank sa Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte.

Ito ang sapantaha ni Supt. Halamani sa kanyang pagdalo sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet para sa kanyang accomplishment report sa naturang konseho kahapon.

Sinabi ng opisyal ng pulisya na sa kanyang pakikipag ugnayan sa naturang mga bagong lipat na residente, sinabi ng mga ito na mula sila sa Quezon City. Hindi kumbinsido si Halmani dahilan sa pawang mga photocopy anya ang mga ID na dala ng mga ito.

Gayunpaman, wala din naman anya silang nakikitang dahilan para pagbawalan ang mga ito dahil karapatan ng sinumang Pilipino ang tumira saan man nila nais saan mang parte ng bansa. Nais lamang ng pulisya na matiyak na wala itong magiging banta sa katahimikan ng bayan ng Daet.

Una na ring nakipag ugnayan si Halamani sa mga opisyal ng Muslim Community dito sa lalawigan at sinabi ng mga ito na hindi nga nila kakilala ang nasabing mga bagong lipat.

Nag simula sa sampung (10) katao ang unang tumirik ng bahay sa lugar at sa ngayon ayun kay Halamani ay umaabot na ito ng tatlumpu (30).

Ayun pa kay Halamani, matagal nang may mga naninirahan sa nasabing lugar at matagal na ring nakapag acquire umano ng rights sa kanilang lupang kinatitirikan. Posible anyang nakipag kasundo na lamang ang nasabing mga bagong residente sa kasalukuyang mga naninirahan doon at dito nakapagtayo na rin ng bahay ang nasabing mga bagong naninirahan.

Ipinagtataka naman ng ilang miyembro ng Sangguniang bayan ng Daet kung papano nakakkuha ng Rights sa lupa ang nasabing mga personahe gayung ang lugar ay itinuturing na pag aari pa ng gobyerno dahil ito ay bahagi ng river bank.

Sa ngayon ay patuloy lamang ang monitoring dito ng kapulisan kabilang na ang kanilang pakikipag ugnayan sa mga opisyal ng Barangay.

Sakali man anyang ito ay totoong mga Bakwit mula sa marawi, wala namang nakikitang masama ang kapulisan at ang Sangguniang Bayan ng Daet lalo pa’t kung naghahanap ang mga ito ng mas tahimik at ligtas na lugar upang makapamuhay ng mapayapa.

Sa lunsod ng Naga kamakailan, umaabot na rin sa animnapung (60) mga Bakwit ang lumipat at nais nang manirahan sa nasabing ciudad upang makapamuhay ng mapayapa at malayo sa magulong giyera na kanilang pinagmulan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *