LALAKING BIKTIMA NG SALVAGE, NATAGPUAN SA VINZONS CAM NORTE!

salvage608.2

Agosto 25, 2017, Vinzons, Camarines Norte – Wala ng buhay nang matagpuan ang isang lalaking biktima ng salvage sa bahagi ng Sitio Contod, Brgy. Guinagutan, Vinzons Camarines Norte kaninang 7:15 ng umaga.

Base sa report ng Vinzons Municipal Police Station (MPS), isang report mula sa isang concerned citizen ang nakaabot sa kanilang istasyon ukol sa bangkay ng isang lalaki sa nasambit na lugar.

Agad umanong nagtungo sa lugar ang team na pinamumunuan ni PInsp Dino Paulo D. Ramos at positibong nakita dito ang bangkay ng isang lalaki na nakatali ang mga kamay sa likuran, nakapiring  at may saklob na damit sa ulo.

Nasa 25-30 anyos ang hindi pa nakikilalang biktima na nakasuot ng blue-green cargo shorts, may taas na umaabot sa 5’4’’ at may malaking tattoo na nagsasaad ng “Villafuerte” sa likuran.

salvage608.1

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Gil Y. Dumapias ng naturang MPS, nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ng hindi pa nakikilalang suspek/mga suspek.

Nakuha mula sa crime scene ang isang (1) basyo ng bala at dalawang (2) piraso ng metal fragmentations.

Nasa kustodiya na ng Provincial Crime Laboratory Office ang mga nakuhang ebidensiya habang dinala na rin sa Vinzons Funeral Homes ang bangkay ng biktima para sa post mortem examination.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima at nagsasagawa na rin ng follow up investigation ang Vinzons MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek/mga suspek at pagkadarakip ng mga ito.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Photos courtesy of Jessa Mae Madera Jimenez

Leave a Reply

Your email address will not be published.