GALIT NG MGA SINIBAK NA EMPLEYADO NG MT LABO EXPLORATION AND DEVELOPMENT CORPORATION, UMABOT NA SA NLRC REGION V!

dole608

Agosto 27, 2017, Daet, Camarines Norte – Nagsampa ng kaso ang mga dating empleyado ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation laban sa nasabing kumpanya dahil sa kanilang ‘di umanoy ilegal at hindi makatarungang pagkakatanggal sa trabaho.

Ang naagrabyadong mga empleyado ay nagtungo sa National Labor Relations Commision NLRC Region V kung saan sila ay naghain ng mga reklamong illegal dismissal at kawalan umano ng maayos na polisiya ng kumpanya para sa regularisasyon.

Magugunitang ang Mt. Labo Exploration and Development Corporation ay ang kumpanyang nagsasagawa dati ng exploration activities sa bayan ng Labo.

Ayon sa mga sinibak na mga empleyado, hindi makatarungan ang pagtatanggal sa kanila dahil nagdahilan lamang umano ang kumpanya ng pagkalugi o kawalan ng operasyon samantalang iilan lamang silang tinanggal at mas marami ang nananatili sa trabaho kahit na wala masyadong aktibidad na ang kumpanya.

Malabo umano ang naging kadahilanan ng Mt. Labo sapagkat karamihan pa umano sa mga sinibak na empleyado ay ilang taon nang naglilingkod sa kumpanya ang nanatiling kontraktwal.

Sila umano ay pinapapirma lamang paulit-ulit ng ilang buawanang fixed-term contracts sa loob ilang taon para sa renewal ng pag-eempleyo.

Ayon kay Aldrin Vecida, isa sa mga empleyadong nagsampa ng kaso, nakakagulat umano ang ganitong kaso sa bayan ng Labo at probinsiya ng Camarines Norte sa kabila ng bagong pambansang administrasyon na may matitibay na pahayag hinggil sa pagtigil sa kontraktwalisasyon at pagtugon sa pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa.

Halos lahat ng mga sinibak na empleyado ay mga residente ng Bayan ng Labo, samantalang maraming empleyado ng Mt. Labo Exploration Corporation ay dayo lamang sa probinsiya ng Camarines Norte.

Ayon pa kay Randy de Leon, isa rin sa mga empleyadong tinanggal at nagsampa ng kaso laban sa kumpanya; “Nakakalungkot ang mga hakbang na ginagawa ng dayuhang kumpanya na napadpad lamang sa probinsya, ganito lamang ba ang gagawin nila sa aming mga lokal na empleyado? Paano ang iba pa naming kababayan sa Labo? Ang laban namin ay laban sa kinabukasan at karapatan ng mga residente na hindi dapat tapakan ng mga dayuhang kumpanya sa ating bayan”.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.