NAWAWALANG COMELEC OFFICER NG STA ELENA, NATAGPUAN NA SA ISANG HOTEL SA BAYAN NG DAET!

asis608

Agosto 28, 2017, Daet, Camarines Norte – Matapos ang halos isang buwang pagkawala ay natagpuan ng mismong anak nito si COMELEC Officer Oda Asis Y Acolentava ng Comelec Sta. Elena.

Payat at halos bagsak ang katawan ng matagpuan si Oda ng mismong anak nito kasama ang mga rumispondeng personel ng CIDG Camarines Norte sa isang hotel sa bayan ng Daet ala una impunto kahapon, Agosto 27, 2017..

Batay sa tala ng Daet PNP, isang text message umano ang natanggap ng anak ni Oda na kinilalang si Seres Asis y Acolentava mula sa isang concerned citizen ukol sa diumano’y kinaroonan ng kanyang ina.

Kasama ang ilang personel mula sa CIDG CamNorte, nakumpirma ni Seres na nasa room 212 nga ng Wiltan Hotel sa bayan ng Daet ang kanyang ina.

Matapos ito, agad na dinala ni Seres ang ina sa Daet Municipal Police Station upang maipatala ang pagkakarecover dito.

Base sa pakikipag ugnayan sa mga tauhan ng hotel, nagcheck in umano sa naturang hotel si Asis gamit ang ibang pangalan at nanatili dito sa loob ng isang linggo. Hindi umano ito lumalabas ng kwarto at umoorder lamang ng pagkain sa pamamagitan ng kanilang room service.

Hindi rin umano batid ng mga tauhan ng hotel na nawawala ang nasabing opisyal.

Magugunitang naiulat na nawawala si Comelec Officer Asis nitong nakalipas na Agosto 2 ng taong kasalukuyan.

Dumaranas umano ng depresyon dahil sa mga personal na problema si Asis na siya ring itinuturong dahilan ng pagtatago nito.

Sa ngayon ay hindi pa ito makausap upang makunan ng pahayag dahil sa pinagdadaanan nito.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.