MAGSASAKA, ARESTADO SA PANANAGA SA ISANG BRGY TANOD SA BAYAN NG TALISAY!

Agosto 29, 2017, Talisay, Camarines Norte – Nauwi sa pananaga ang pagtatalo ng isang magsasaka at  isang barangay tanod sa Barangay Sto. Niño, Talisay, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si Reynaldo Raro y Predicala, 51 anyos, barangay tanod at residente ng Purok 2 ng nasambit na barangay.

Sa ulat na nakarating sa Camarines Norte Police Provincial Office, dakong 11:35 ng gabi kamakalawa, nag iinuman umano ang biktima kasama ang ilang kapitbahay at ang suspek na kinilalang si Bernardo Villacrusis y Cana, 58 anyos, magsasaka at residente ng parehong lugar nang magkainitan umano ang dalawa at humantong sa suntukan ang pagtatalo.

Matapos ito, pansamantala umanong umalis ang suspek at bumalik na armado ng bolo at doon ay tinaga ang biktima sa kaliwang braso nito.

Sa tulong ng mga kapitbahay ay naawat umano ang dalawa at tumakbo ang suspek patungo sa ibang bahay.

Nagtungo naman umano ang bktima sa Talisay Municipal Police Station upang humingi ng tulong at dinala na rin sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa atensiyong medikal.

Agad naman umanong rumisponde sa crime scene ang mga personel ng naturang istasyon at doon na nadakip ang suspek.

Nasa kustodiya na ng Talisay MPS si Villacrusis para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na rin ang kasong isasampa sa korte laban dito.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *