Setyembre 1, 2017, Daet, Camarines Norte – Tahasang pananakot at banta ng pagpatay ang natanggap ni Vice Mayor Tony Villamor ng bayan ng San Vicente sa pamamagitan ng text message mula sa hindi kilalang texter.
Sa panayam ng Cool Radio News Fm sa naturang bise alkalde, dakong 11:00 ng umaga kahapon habang dumadalo sa Farmers Day sa bulwagan ng bayang nasasakupan nang matanggap umano nito ang death threat sa pamamagitan ng isang text message.
Bahagya umanong nagulat si Vice Mayor Villamor sa nakasaad sa text message na “Vice mayor alam mo bang pinapapatay ka ng isang official at pulitiko bayad na kami pasalamat ka dinaan namin sa text”.
Ayon sa opisyal, hindi umano ito ang unang pagkakataon na may nagbanta sa kanyang buhay. Sa katunayan aniya ay mayroon na ring kahalintulad na banta ilang taon na ang nakakalipas.
Dagdag pa ni Villamor, bilang isa umanong lingkod bayan, hindi umano naiiwasan na mayroong nasasagasaan at nasasaktan sa kaniyang pag ganap ng mga tungkulin sa bayan, isa umanong maaaring dahilan para magkaroon ng banta sa kaniyang buhay.
Bagaman hindi natatakot sa kamatayan dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, nababahala pa rin umano ang bise alkalde sa ganitong pangyayari kung kayat nag iingat pa rin ito.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News
Photo from Vice Mayor Villamor’s Fb Page

