Setyembre 5, 2017, Daet, Camarines Norte – 40,000 bags ng NFA rice ang inaasahang darating sa lalawigan ng Camarines Norte ngayong buwan ng Setyembre, taong kasalukuyan.
Ito ang kinumpirma ni bagong NFA Provincial Manager Remedios Dumaual sa naging panayam ng Cool Radio News Fm sa kaniya kaninang umaga.
Ayon kay Dumaual, aminado umano ang kanilang opisina na hindi ganun karami ang stock ng bigas sa bodega ng NFA Camarines Norte simula nitong nakalipas na buwan ng Marso.
Gayunpaman, isang magandang balita umano para sa mga consumers ang parating na 40,000 bags ng NFA rice sa lalawigan ngayong buwan.
Inaasahang darating ang nasambit na supply ng kalidad at imported na bigas ngayong ika-7 ng Setyembre, taong kasalukuyan sa NFA Albay at inaasahang madadala ito sa NFA Camarines Norte ngayong ika-9 ng Setyembre.
Sa ngayon aniya, Php 1,250.00 ang halaga ng bentahan ng kada sako ng NFA rice sa mga authorized retailers nito at pumapatak ito ng Php. 27.00 kada kilo.
Nilinaw din ni Provincial Manager na nililimitahan lamang nila sa anim na sako kada linggo ang ipinapamahagi sa mga authorized retailer dahil nagtatabi umano sila ng supply sa kanilang bodega upang may mailabas sila sakaling magkaroon ng kalamidad.
Sa kabila nito, tiniyak pa rin ni Dumaual na hindi naman ito magkukulang dahil base sa kaniyang pagtatanong ay mas tinatangkilik pa rin umano ng mga consumers ang commercial rice.
Dagdag pa rito, nagpasalamat si Dumaual sa suportang ipinapakita ng mga retailers at distributors sa pagdidistribute ng NFA rice sa mga consumers kahit na nagsisimula pa lamang siya bilang bagong Provincial Manager ng NFA Camarines Norte.
Nananawagan din ito sa mga magsasaka na ipagpatuloy ang kanilang suporta bilang mga kapartner at katuwang sa pagkakataon na kailangan ng stock ng local palay sa kanilang mga bodega.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

