ACTING GM/PROJECT SUPERVISOR BUCSIT NG CANORECO, NILIPAT NA SA CASURECO III. ENGR GESTIADA, ITINALAGANG AGM!

canoreco608

Agosto 19, 2017 – Daet, Camarines Norte – Tuluyan nang nilisan ni Acting General Manager,  Project Supervisor Engr. Wilfredo Bucsit ang Camarines Norte Electric Cooperative Inc., (CANORECO) sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap ng kooperatiba bunsod ng walang patid na brownout na dinaranas ng mga miyembro konsumedores sa buong lalawigan.

Agosto 11, 2017 nang lagdaan ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Edgardo R. Sungsong ang reassignment ni Engr. Bucsit mula CANORECO tungo sa CASURECO III sa kahalintulad ding posisyon.

Nabatid na nahaharap din umano sa problema ang takbo ng CASURECO III kung kaya’t doon itinalaga si Bucsit upang tugunan ang problema doon.

Nitong mga nakatalikod na araw, tumanggap ng kaliwat kanang batikos si Engr Bucsit hanggang sa panawagan ng pagbibitiw nito sa pwesto bunsod nga ng walang humpay na brownout.

Hanggang sa huli, patuloy na nanindigan si PS Bucsit na wala sa kanya ang problema kundi sa mga luma nang mga pasilidad ng CANORECO na hindi pa napapalitan simula nang maitatag ang CANORECO panahon pa ng dating pangulong Ferdinand Marcos.

Sinabi ni Bucsit na tanging ang pagkakaapruba ng Capital Expeditures o CAPEX ang syang sulusyon para mapondohan ang pagsasaayos ng mga luma at sira nang mga linya.

Kamakailan lamang, sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, hiniling na rin ng nasabing hunta probinsyal sa Energy Regulatory Commission (ERC) na mapabilis na ang pag apruba sa isinumiteng CAPEX ng CANORECO.

Samantala, itinalaga naman ng CANORECO Board of Directors bilang Acting General Manager si Institutional Services Department Head Engr. Zandro R. Gestiada kapalit ni Bucsit habang hindi pa tuluyang binubuksan ang pag tanggap ng mga aplikante para sa naturang posisyon.

Sa panuntunan ng NEA, ang mga miyembro ng hunta direktiba ng isang electric cooperative ang syang pumipili sa pamamagitan ng botohan para sa itatalagang Full Pledge General Manager ng kooperatiba.

Magugunitang minsan na ring nagpahayag ng interes na maging General Manager si Engr Gestiada ng mabakante noon ni dating GM Lorenzo Canlas Jr. ang naturang posisyon. Subalit hindi rin noon natuloy ang pagpili ng GM dahil sa naging kahilingan ng Sangguniang Panlalawigan sa NEA sa pamamagitan ng resolusyon na makapag talaga muna sa CANORECO ng pansamantalang mamamahala dito mula mismo sa NEA. Ito ay upang maisaayos ang naiwang mga sulliranin noon ng nagbitiw na si Engr Canlas.

Sa ngayon, wala pa namang pahayag si Acting GM Gestiada kung muil nitong tatangkain na tuluyan nang mapasakamay ang posisyon na pansamantala lamang nyang ginagampanan sa ngayon bilang AGM.

Rodel Macaro Llovit

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.