Oktubre 18, 2017, Daet, Camarines Norte – Nakarating na sa lalawigan ng Camarines Norte ang 40,000 bags ng imported na NFA rice mula sa bansang Vietnam.
Ito ang kinumpirma ni Provincial Manager Remedios Dumaual ng NFA Camarines Norte sa panayam ng Cool Radio News Fm sa kanya kaninang umaga.
Ayon kay Dumaual, nagsimula na rin umano silang ipamahagi ang naturang bagong stock ng imported na NFA rice sa mga accredited na retailers at bigasang bayan.
Nilinaw rin ng opisyal na ang mga ipinamahaging bigas bago dumating ang nasambit na imported na bigas ay for human consumption bagaman hindi ito katulad ng kalidad ng imported rice. Ang mga ito umano ay galing sa mga lokal na magsasaka mula sa ibang rehiyon sa bansa.
Dagdag pa ni Dumaual, bukas din umano ang kanilang para sa mga magsasaka sa lalawigan na nagnanais na magbenta ng kanilang mga palay kung saan Php 17.00 ang presyo bawat kilo nito at kailangan na ito ay tuyo na at may 14 hanggang 30 porsiyentong moisture content.
Aniya, maliban pa dito ay mayroong insentibo na matatanggap ang magsasaka na 20 sentimo bawat kilo sakaling dalhin nila ang kanilang palay sa tanggapan ng NFA at depende rin ito sa layo o distansiya ng lugar.
Sa bawat kilo ng palay mula 0 hanggang 10 kilometro ay may insentibo na 20 sentimo, 10-20 kilometro ay tatanggap ng 30 sentimo, 20-30 kilometro ay 40 sentimo samantalang ang mga lalampas sa 30 kilometro o mula sa malalayong lugar ay may insentibo naman na 50 sentimo sa bawat kilo.
Ang mga kooperatiba naman na magbebenta sa kanila ng palay ay may karagdagang insentibo sa bawat kilo na tinatawag na Cooperative Development Incentive Fee na 30 sentimo.
Iminungkahi din ni Dumaual na habang maaga pa umano ay magtungo na ang mga ito sa kanilang tanggapan dahil maaari umanong hindi nila maacomodate lahat dahil depende lamang din umano sa kapasidad ng tanggapan ang kaya nilang bilhing lokal na palay.
Mababatid na isang malaking hamong kinakaharap ngayon ng mga magsasaka sa lalawigan ang pagkabulok ng mga palay dahilan ng madalas na pag ulan kung saan nahihirapang magbilad ang mga magsasaka ng kanilang mga ani.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

