Oktubre 30, 2017, Daet, Camarines Norte – Sinimulan nang ipamahagi ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamumuno ni Mayor Benito Ochoa at sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist ang animnapung (60) drums para sa pag gawa ng foliar fertilizer.
Ayon kay Ma’am Edna S. Aguila ng MOPAG, sinimulan nang ipamahagi ang naturang mga drums sa isinagawang ceremonial distribution kaninang umaga pagkatapos ng flag ceremony sa harap ng Municipal Building ng LGU Daet.
Target mabigyan nito ang 25 barangays sa bayan ng Daet habang ang nalalabi naman ay ipapamahagi sa ibat ibang paaralang elementarya at sekondarya sa bayan ng Daet.
Layunin umano nito na isulong ang organic farming at hikayatin ang mga mamamayan sa lahat ng barangay maging ang mga mag aaral na matutong magconvert ng mga organic wastes tulad ng mga nabubulok na halaman upang gawing organic fertilizer na mas ligtas at mura umano kesa sa mga keminal na fertilizers.
Malaking tulong rin umano ito sa pagbawas ng mga basura sa dahilang maicoconvert ito sa mas kapaki-pakinabang na produkto.
Ang nasabing proyekto aniya ay bilang pagsuporta umano sa Zero Waste Program ng gobyerno at bilang pagtugon sa R.A. 9003 at Organic Agriculture Act of the Philippines.
Kaugnay nito, sumailalim na rin umano sa kaukulang trainings ang mga Chairmans ng Committee on Agriculture ng bawat barangay sa bayan ng Daet kaugnay ng pag gawa ng foliar fertilizer.
Charlotte V. Marco

