Nobyembre 18, 2017 Daet Camarines Norte – Pormal na inilunsad kahapon ang Fully Immunized Children’s Card ng LGU Daet kasabay ng ginanap State of the Children’s Address ni Mayor Benito “B2k” Ochoa.
Dumalo sa naturang okayson ang mga Punong Barangay , Child Development Workers, Rural Health, mga miyembro ng Municipal Child Protection Committee na pawang nagmula sa 25 baranggay ng bayan ng Daet.
Ang paglulunsad ng naturang programa ay pinangunahan ni Konsehal Rosa Mia King, SB Committee Chairman on Social Services.
Sa naturang launching, ipinaliwanag ni Konsehal King na ang fully immunized children’s card ay isang identification card na ibibigay sa mga bata edad isang taon pataas bilang pagpapatunay at pagkilala na ang batang nag mamay-ari ng card ay may kumpleto nang bakuna na natanggap mula sa nakakasakop na health center.
Layunin umano ng programa na siguraduhing ligtas sa sakit ang mga kabataan at panatilihing malusog ang mga ito. Bukod dito, mahalaga din umano ang naturang card upang sa paglaki ng mga ito ay may hawak silang katibayan ng pagbabakuna na karaniwang nagagamit sa pagpasok sa paaralan at pagkuha ng mahahalagang dokumento tulad ng pasaporte.
Mahalaga din umanong maagapan ang bakuna sa mga paslit upang maiiwas sila sa sakit na tuberkolosis , influenza, tetanus, pertussis, poliomyelitis diphtheria, measles, pneumonia at hepatitis.
Dagdag pa ng konsehal, isa ito sa mga hakbangin ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pangunguna ni Mayor Benito Ochoa na siguruhing ang bawat Daeteñong kabataan ay manatiling malusog at ligtas sa sakit.
Samantala, hinihikayat din ng konsehal ang lahat na makiisa sa programa sa pamamagitan ng pagsunod at pakikikoopera sa nasabing implementasyon.
Sa huli ay binigyang diin ng konsehal ang isang paalala na: “Sa kabataang malusog, ang bayan ay kalugod lugod”.
Angela Yobhel Azaña/Charlotte V. Marco

