50 ANYOS NA MAGSASAKA SA BAYAN NG PARACALE, INIREKLAMO DAHIL SA PANGGAGAHASA UMANO SA ISANG MENOR DE EDAD!

Nobyembre 22, 2017, Paracale, Camarines Norte – Reklamong paglabag sa R.A. 8353 (The Anti-Rape Law of 1997) ang kinakaharap ngayon ng isang 50 anyos na magsasaka matapos diumanong halayin ang isang 13 anyos na menor de edad sa bayan ng Paracale.

Kinilala ang suspek na si Luis Vilan y Villacruz, 50 anyos, magsasaka at residente ng Purok 2, Brgy. Dalnac, Paracale, Camarines Norte.

Nabatid na naaresto ng mga personel ng Paracale MPS ang naturang suspek dakong 2:40 ng hapon kamakalawa matapos na magtungo sa nasambit na istasyon ng kapulisan ang ama ng biktima at magpaabot ng reklamo matapos na magsumbong umano sa kaniya ang menor de edad na anak na hinalay ito ng suspek.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm sa suspek na kasalukuyang nakadetine sa Paracale MPS, birthday umano ng kaniyang anak at nagkayayaan umano silang uminom ng  ama ng biktima nitong nakatalikod na gabi ng Nobyembre 19, taong kasalukuyan.

Matapos ang inuman, inihatid umano ng suspek ang noon ay lasing nang tatay ng biktima sa tahanan nito.

Nadatnan umano ng suspek na natutulog ang 13 anyos na dalagita sa nasambit na bahay. Tinapik umano nito ang dalagita upang gisingin at ipaalam na naroroon na ang kaniyang tatay.

Matapos umano ito ay wala nang matandaan ang suspek sa mga sumunod na nangyari dahil na rin sa sobrang kalasingan.

Naniniwala din umano ang suspek na hindi nito nagawa ang paratang sa kanya.

Samantala, sasailalim naman sa medico-legal ang biktima upang mapagtibay ang kasong isasampa laban sa suspek habang nasa kustodiya naman ng Paracale MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Camarines Norte News

*Note: Ang pahayagang ito ay naniniwala na nananatiling inosente ang suspek hanggat hindi napapatunayang may sala ng korte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *