2 MOTORSIKLO NAGSALPUKAN SA BAYAN NG LABO; 2 DRIVER DEAD ON THE SPOT, 2 BACKRIDER KRITIKAL!

Disyembre 1, 2017, Labo, Camarines Norte – Agad na binawian ng buhay ang mga driver ng dalawang motorsiklong nagsalpukan sa bayan ng Labo habang nasa kritikal naman na kalagayan ang dalawa pang backrider na sangkot sa naturang aksidente.

Naganap ang aksidente dakong 1:45 kaninang madaling araw sa bahagi ng Maharlika Highway, Purok 1B Brgy. Anahaw, Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang dalawang driver na nasawi na sina Edmar Cereno, 28 anyos na nagmamaneho ng Bajaj Kawasaki CT 100 na may plakang 9134EL, residente ng Brgy. Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte at Enrico Oning na nagmamaneho ng asul na Yamaha Vega force na may plakang 3465 EO, residente ng Purok 1 Brgy. Bulhao, Labo, Camarines Norte.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Labo PNP, mabilis umanong binabaybay ng dalawang motorsiklong galing sa magkabilang direksiyon ang kahabaan ng naturang highway nang sa hindi inaasahan ay nagsalpukan ito dahilan para tumilapon sa kalsada ang mga lulan nito na pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak.

Sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malubhang pinsala ang mga biktima kung saan dead on the spot ang dalawang driver habang agad namang nadala sa Camarines Norte Provincial Hospital at kasalukuyang nang ginagamot ang dalawa pang biktima na kritikal ang kalagayan na sina Michael Jalimao, residente ng Purok 6 Dipdipon, Brgy. Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte at Rodel Maldivar, residente ng Purok 1 Brgy. Bulhao, Labo, Camarines Norte.

Mahigpit naman ang naging paalala ng kapulisan sa mga motorista na maging maingat at iwasan ang pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak upang maiwasan ang anumang disgrasya.

Camarines Norte News

Details and photo courtesy of Dwlb Fm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *