Disyembre 10, 2017, Capalonga, Camarines Norte – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Capalonga PNP matapos makatanggap ng report mula sa Philippine Army ukol sa narekober na mga baril, bala at mga dokumento na hinihinalang pag aari ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) sa bayan ng Capalonga.
Ayon sa report ng Capalonga Municipal Police Station, dakong 8:00 ng umaga kamakalawa, Disyembre 8, 2017 nang marekober ng pinagsamang pwersa ng 95th Military Intelligence Company, 9th Military Intelligence Branch at isang section ng Charlie Company na pinamumunuan ni 1LT Ferrer ang matataas na kalibre ng mga baril at bala sa bulubunduking bahagi ng Purok 6, Brgy. Peter Magsaysay sa bayan ng Capalonga.
Kabilang sa mga matataas na kalibre ng baril na narekober ay dalawang (2) M16 rifle, isang (1) M14 rifle, isang (1) shotgun isang (1) carbine at samu’t saring mga bala.
Bukod pa dito, nakuha rin mula sa lugar ang isang (1 ) radio, dalawang (2) improvised explosive device (IED) detonators at mga subersibong dokumento.
Matapos makarating ang impormasyon ay agad namang naglunsad ng checkpoint at continous intelligence monitoring ang Capalonga PNP.
Nabatid na ang pagkaka-rekober ng mga armas ay bunga ng pinaigting na kampanya ng 902nd Brigade sa pakikipag tulungan ng kapulisan at ng taong bayan laban sa mga teroristang grupo na patuloy na nagsasagawa ng karahasan sa ilang bayan ng Camarines Norte partikular na sa Capalonga.
Camarines Norte News

