Disyembre 18, 2017, Paracale, Camarines Norte – Patay ang isang lalaki matapos magtamo ng labinlimang (15) saksak mula sa nakainuman nito sa Sitio Kulapnit, Purok 5, Brgy. Tugos, Paracale, Camarines Norte kagabi, Disyembre 17, 2017.
Kinilala ang biktimang si Juanillo Fermin y Villeno, 52 anyos, magkakabod at residente ng nasambit na lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Cool Radio News Fm sa Paracale Municipal Police Station, bago maganap ang pananaksak ay nakikipag inuman umano ang biktima sa suspek na kinilalang si Arnel Jimenez y Rodriguez, 27 anyos, binata at residente ng Purok 1 ng parehong barangay kasama ang isa pang kaibigan nang magkaroon umano ng alitan ang dalawa kung saan binully umano ng biktima ang suspek.
Matapos ito ay umuwi na umano ang biktima sa butukan na pansamantalang tinutuluyan nito sa nasambit na lugar.
Sinundan naman umano ito ng suspek at habang natutulog ang nasambit na biktima ay doon na ito pinagsasaksak ng suspek.
Nagtamo ng labinlimang (15) tama ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Agad namang sumuko sa kapulisan ang suspek na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Paracale MPS para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.
Camarines Norte News

