Disyembre 26, 2017, Daet, Camarines Norte – Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang misis na nagtamo ng mga sugat mula sa pananaksak ng sarili nitong mister sa bayan ng Daet.
Kinilala ang biktimang si Tina Salamero y Begornia, 33 anyos, residente ng Purok 1, Barangay Birbirao,Daet, Camarines Norte.
Sa imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station, naglalaba umano sa labas ng kanilang tahanan ang biktima dakong 5:00 ng hapon kamakalawa, Disyembre 24, 2017 nang dumating ang suspek na mister nitong kinilalang si Jorge Salamero y Aban, 48 anyos na nasa impluwensiya ng alak ng mga oras na iyon.
Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa na humantong sa panununtok ng suspek sa mukha ng biktima.
Matapos suntukin ay dumukot pa umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa kanang braso nito at sa itaas na bahagi ng kaliwang dibdib.
Agad namang dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima ng mga rumispondeng otoridad habang agad ring naaresto ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng Daet MPS para sa kaukulang disposisyon.
Camarines Norte News

