MALAKING TINDAHAN SA BAYAN NG LABO, NILOOBAN NG MGA HINDI NAKILALANG KAWATAN!

Disyembre 29, 2017, Labo, Camarines Norte – Tinangay ng mga hindi nakilalang suspek ang ilang cellphone at pera mula sa mismong kaha ng 108 Trading sa isang insidente ng panloloob sa bayan ng Labo dakong 1:00 hanggang 4:00 ng madaling araw kamakalawa, Disyembre 27, 2017.

Kinilala ang biktima at may ari ng tindahan na si Princess Vano y Andrade, 27 anyos, may asawa, negosyante at residente ng Cavite City.

Sa imbestigasyon ng Labo Municipal Police Station, dakong 8:30 ng umaga ng parehong araw nang dumating sa naturang tindahan ang katiwala at kahera na si Raquel Griño y Magana, 30 anyos.

Binuksan umano ni Griño ang mga ilaw sa loob ng tindahan subalit nadiskubreng pinutol ang pangunahing linya ng kuryente dito.

Bukas na rin umano ang kaha ng tindahan at nawawala na ang pera sa loob nito na nagkakahalagang Php 20,000.00

Bukod pa rito, nadiskubre ring nawawala mula sa cellphone section ng tindahan ang apat (4) na SKK cellphone na may kabuuang halagang Php 13,000.00.

Nakapasok umano ang mga suspek sa pamamagitan ng pagdaan sa bubong at bukas na kisame sa may bahagi ng banyo ng tindahan.

Nabatid na nakapatay ang lahat ng ilaw maging ang cctv ng nasambit na tindahan tuwing gabi.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Labo PNP ukol sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at pagkadarakip dito gayundin ang pagsauli sa mga natangay  na pera at gadget.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.