Enero 20, 2018, Jose Panganiban, Camarines Norte – Matagumpay na isinagawa kamakalawa, Enero 18,2017 ang paglagda sa lease contract agreement at groundbreaking ceremony ng Larap Integrated Development Project (LIDP) sa bayan ng Jose Panganiban.
Ginanap ang signing of lease contract agreement sa Mambulao Pacific Hotel sa Barangay South Poblacion ng naturang bayan, kung saan pormal nang nilagdaan ang kasunduan sa pagitan ng LGU-Jose Panganiban sa pamumuno ni Mayor Dong Padilla at ng Penson and Company, Inc.
Ang Larap Integrated Development Project (LIDP) ay isang flagship development project ng administrasyon ni Mayor Padilla.
Nakapaloob sa naturang proyekto ang konstruksiyon ng Larap Regional Airport na dinisenyo bilang isang open, resort type, all-weather passenger terminal na may 4000 sqm hangar, control tower, at may emergency service (fire/ rescue) building inclusive of equipment.
Nabatid na ngayon pa lamang ay isasagawa na ang konstruksiyon ng 1400m runway ng naturang airaport na inaasahang matatapos ngayong taon habang magaganap naman ang upgrading nito sa 1900-2000m sa taong 2019-2020.
Positibo ang nasambit na alkalde na magiging operational na ang naturang airport sa taong 2021.
Aniya, ang naturang proyekto ay hindi lamang para sa bayan ng Jose Panganiban bagkus ay para ito sa ginhawa at kapakinabangan ng mga mamamayan sa buong lalawigan ng Camarines Norte.
Camarines Norte News
Details and photos courtesy of Jose Panganiban Today and Aris Zante Zamudio Alexopoulos