BANGKANG PANGISDA, TUMAOB SA BAHAGI NG PARACALE; 2 NAKALIGTAS, 1 PATAY HABANG 1 PA ANG NAWAWALA!

Enero 28, 2018, Mercedes, Camarines Norte – Isang bangkang may lulan na mga manginigisda ang tumaob kagabi sa karagatang sakop ng Paracale, Camaries Norte kung saan dalawa (2) sa mga mangingisda ang nakaligtas at isa ang (1) patay habang patuloy namang pinaghahanap ang isa (1) pang kasamahan na nawawala.

Base sa report na ipinaabot sa tanggapan ng MDRRMO Mercedes, isang bangkang pangisda umano na may pangalang ‘’Aquarius” ang pumalaot mula sa naturang bayan kamakalawa, Enero 26, 2018.

Lulan umano nito ang apat (4) na mangingisda na kinilalang sina Albert Fajardo 39 anyos, Alex Mercado 38 anyos, Reynante Delos Santos 42 anyos at Raymundo Delos Santos 40 anyos, pawang mga residente ng Brgy. VI, Mercedes, Camarines Norte.

Nabatid na tumaob ang naturang bangka sa karagatang sakop ng Brgy. Bakal, Paracale, Camarines Norte dakong 11:00 kagabi, Enero 27, 2018 base sa pahayag ni Reynante Delos Santos na nakaligtas at narescue umano ng mga residente sa nasa baybayin ng naturang lugar.

Samantala, nakaligtas rin si Alex Mercado habang wala na umanong buhay nang matagpuan si Raymundo Delos Santos.

Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na ang mga nakalitas na mangingisda habang patuloy naman ang isinasagawang paghahanap ng mga otoridad sa nawawalang kasamahan ng mga ito na si Albert Fajardo.

Nagpaabot na rin ng tulong ang Lokal na Pamahalaan ng Mercedes sa pamilya ng pumanaw na mangingisda.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *