
Pebrero 6, 2018, Daet, Camarines Norte – Nagliyab ang isang delivery truck na naglalaman ng mga appliances habang tinatahak ang kalsadang sakop ng Purok 9, Brgy. IV, Daet, Camarines Norte matapos sumabit ang bubong nito sa kawad ng kuryente sa nasabing lugar dakong 3:00 ng hapon kanina.
Ayon sa payahag ng isa sa mga nakasaksi, sumabit umano ang kawad ng kuryente sa mismong bubong ng truck na naglalaman ng mga appliances.
Sa tulong ng ilang concerned citizens ay tinanggal umano ng driver ang pagkakasabit ng kawad sa pamamgitan ng pagsungkit dito gamit ang kahoy.
Habang ginagawa ito ay nakita umano ng mga saksi na nagi-spark na ang nasambit na kawad ng kuryente.
Matagumpay namang natanggal ang kawad sa bubong ng truck subalit hindi pa man nakakalayo ang truck ay napansin nang umuusok at nagliliyab na ang bubong nito.
Doon na umano binuksan ng driver ang truck at umakyat sa bubong nito upang buhusan ng tubig ang nagliliyab na bahagi subalit bigo itong maapula ang apoy.
Agad din naman umanong dumating ang truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lugar at inapula ang sunog.
Ilang unit ng appliances ang nasunog sa naganap na insidente at pansamantala ring naantala ang daloy ng trapiko dahil sa humambalang na kawad ng kuryente sa kalsada.
Wala namang naitalang nasaktan sa naganap na sunog at inaalam na ang halaga ng pinsalang dulot ng naganap na insidente.


Camarines Norte News
Details and photo courtesy of Ariel Sy and Christian Molina

