LALAKING NAGWALA AT NAGTANGKANG MANAGA SA BAYAN NG TALISAY, ARESTADO!

Pebrero 16, 2018, Talisay, Camarines Norte – Arestado ang isang 38 anyos na lalaki sa bayan ng Talisay matapos magwala sa isang Senior Citizens vanlentines party at tangkaing tagain ang isang lalaking umawat sa pagwawala nito.

Kinilala ang suspek na si Leovino Jamito  y Parlan, 38 anyos, may asawa at residente ng Purok 3, Brgy. Binanuaan, Talisay, Camarines Norte

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Talisay Municipal Police Station, dakong 3:00 ng madaling araw kahapon, Pebrero 15, 2018 nang magwala ang suspek na nasa impluwensiya ng alak sa ginaganap na valentines party para sa mga Senior Citizens sa Brgy. Binanuaanng nasambit na bayan kung saan inawat umano ito ng biktimang si Jayson Valles y Maesa, 30 anyos, residente at tanod ng nasambit na barangay.

Nagkaroon umano ng argumento sa pagitan ng dalawa at galit na umuwi ang suspek subalit bumalik ito sa lugar na armado ng bolo at inabangan ang biktima sa gilid ng kalsada.

Habang pauwi ang biktima lulan ng motorsiklo kasama ang isang nagngangalang Reynalyn Tagala y Araco, 25 anyos, residente ng parehong barangay, inatake umano ito ng suspek gamit ang bolo subalit hindi tinamaan dahilan sa natumba ang sinasakyang motorsiklo.

Matapos ito ay agad na umanong nagtungo ang biktima sa himpilan ng Talisay PNP upang ireport ang insidente.

Agad namang nagtungo sa lugar ang kapulisan at naaresto ang suspek na dala pa ang bolo na ginamit sa tangkang pananaga.

Nasa kustodiya na ng Talisay MPS ang suspek na posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *