NO SEGREGATION, NO COLLECTION POLICY, MAHIGPIT NA IPATUTUPAD SA 10 YEARS SOLID WASTE MANAGEMENT PROGRAM NG LGU DAET!

Pebrero 22, 2018, Daet, Camarines Norte – Mahigpit na ipatutupad ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamaumuno ni Mayor Benito Ochoa ang No Segregation, No Collection Policy sa mga barangay sa bayan ng Daet.

Sa ginanap na pagpupulong ng Solid Waste Management Board kamakalawa, sinabi ni MENRO Officer Joseph Cuarte na mahigpit na ipatutupad ang nasambit na patakaran ukol sa tamang paghihiwalay ng mga basura.

Ang nasabing patakaran ay bahagi ng ipatutupad na 10-Year Solid Waste Management Program (SWMP) ng LGU Daet bilang pagtugon sa Republic Act (RA) 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Ayon kay Ginoong Cuarte, napakalaking papel ang ginagampanan ng mga pamahalaang barangay sa SWMP dahilan sa ang mga ito ang magpapatupad sa mga nasasakop na kabahayan ng tamang paraan ng paghihiwalay ng basura.

Dito pa lamang aniya ay dapat na maging maayos na ang implementasyon ng patakaran. Ang mga kokolektahing basura ay dadalhin sa  Materials Recovery Facility ng barangay sa pamamagitan ng mga ipapamahaging pedicab ng LGU para sa garbage collection.

Ang mga nabubulok na basura ay sasailalim sa composting upang maiconvert sa organic fertilizer. Magugunitang nitong nakatalikod na taong 2017 ay una nang namahagi ang Office of the Municipal Agriculture ng mga drum para sa pagconvert ng mga nabubulok na halaman sa foliage fertilizer. Ang mga hindi naman nabubulok tulad ng mga plastic at bote ay irerecycle upang magamit muli.

Nagpaalala rin si Cuarte na tanging mga residual wastes at mga basura lamang ng Daet Public Market ang kokolektahin ng munisipyo.

Ilan lamang ang mga nasambit sa mga estratehiya na nakapaloob sa SWMP ng LGU Daet na naglalayong mawakasan na ang lumalalang problema sa basura ng bayan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.