Marso 21, 2018, Daet, Camarines Norte – Tumanggap ng pagkilala bilang Outstanding Girl Scout of the Philippines si Roxette Raya Y. Tanzo, Grade 12 student ng Chung Hua High School dito sa bayan ng Daet at dating National Chief Girl Scout Medalist.
Ang nasabing parangal ay ipinagkaloob ng GSP sa isinagawang fitting ceremony sa Maynila nitong nakatalikod na Pebrero 10, 2018.
Si Tanzo ay inatasan ng punong tanggapan ng Girl Scout of the Philippines na pumili ng isang bansa na kanyang bibisitahin kung saan dadalo sya kasama ang mga kapwa Girl Scouts mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa Jigsaw International Camp sa loob ng isang linggo . Ang North East England, sa United Kingdom ang napili ng batang scout.
Maliban sa nasabing travel grant, tumanggap din si Roxette ng prestiheyosong tropeyo ng Josefa Llanes Escoda Award.
Buong kagalakan naman na nagbigay ng pahayag si Ginang Elma T. Arguelles, acting Principal ng Chung Hua High School. Anya, ang mga pagsusumikap ni Roxette ay tunay na nagbunga. Ang karangalang ito ay hindi lamang umano para sa kanilang paaralan kundi maging sa lalawigan at rehiyong bicol.
Umaasa ang punong guro na magsisilbing inspirasyon at modelo para sa kanyang mga kapwa kabataan at mag aaral ang batang awardee. Binigyan puri din nito ang mga magulang ni Roxette.
Kauna-unahang nakamit ang nasambit na award ng isang mag aaral mula sa lalawigan ng Camarines Norte mula nang maitatag ang Girl Scout of the Philippines noong Marso 4, 1949, bagay na labis na ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang at ng kanyang paaralan.
Nagpasalamat naman si Roxette Raya Tanzo sa kanyang mga GSP Coaches na gumabay sa kanya na sina Mrs. Evelyn V. Chua – GSP School Coordinator, Mrs. Nelia L. Ramos– GSP School Consultant at Mrs. Marilyn C. Delos Santos – GSP CN Council Executive.
Sa kasalukuyan, si Roxette ang tumatayong pangulo ng Student Government Organization (SGO) at Editor-in-Chief ng “The Dragon” ang School Publication ng Chung Hua High School.
Rodel M. Llovit/DWEN FM Cool Radio News
for Camarines Norte News

