13 KANDIDATA NG ENVIRONMENTAL PRINCESS-MISS TEEN CAMARINES NORTE 2018 SUMALANG NA SA GRAND PAGEANT NIGHT; PAMBATAO NG BAYAN NG DAET, NASUNGKIT ANG KORONA!

http://camnortenews.com/page/wp-content/uploads/2018/04/winners608.jpg

Abril 20, 2018, Daet, Camarines Norte – Matapos sumailalim sa ibat ibang programa at aktibidad, sumalang na kagabi sa grand pageant night ang labintatlong (13) kandidata ng Environmental Princess – Miss Teen Camarines Norte 2018.

Kani- kaniyang pasikat sa pagrampa ang mga kandidata sa ibat ibang bahagi ng kumpetisyon kabilang na ang production number, short shorts competition at ang pinaka inaabangan na ball gown kung saan kasabay na inirampa ng mga kandidata ang mga obrang headdresses na yari sa mga recycled materials.

Itinampok din sa naturang pageant ang husay at talino ng makabagong kabataan sa pagsagot sa mga katanungan na nakasentro sa mga isyung pangkalikasan gayundin sa tamang pangangalaga at pagprotekta dito na siyang pangunahing layunin  ng kumpetisyon at isa sa mga adbokasiya ng JCI Daet Bulawan na katuwang ng Provincial Tourism Operations Division sa pagsasakatuparan ng matagumpay na patimpalak.

Sa huli, hinirang na 2nd runner up si  Aljean Joyce F. Cabase ng Basud at 1st runner up si Shane Cathryn B. Yongco ng Daet.

Nasungkit naman ang titulong Miss Teen JCI 2018 ni Angel Joy B. Gorospe ng bayan ng Labo habang nakuha naman ni Rhianne Macy N. Zapanta ng Daet ang titulong Miss Teen Bantayog 2018.

Matagumpay namang nakuha ni Esther Jo G. Serapio ng bayan ng Daet ang pinakamataas na  titulong Miss Teen Camarines Norte 2018.

Nag uwi ng cash prize na Ph 30,000.00 ang hinirang na Environmental Princess- Miss Teen Camarines Norte 2018, Php 20,000.00 ang Miss Teen Bantayog 2018, Php 10, 000.00 ang Miss Teen JCI 2018, Php 7,000.00 ang 1st runner up at Php 5,000.00 ang 2nd runner up.

Isinagawa ang nasambit na pageant night sa Agro Sports Center, Daet Camarines Norte bilang bahagi ng ipinagdiriwang na ika-98 taon ng pagkakatatag ng lalawigan ng Camarines Norte at ika-14 na Bantayog Festival.

Nabatid na ang naturang patimpalak ay sinimulan nitong nakatalikod na taong 2016 at ngayon ay tatlong taon ng isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan ng JCI Daet Bulawan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *