BARANGAY KAGAWAD PATAY SA PAMAMARIL NG DALAWANG DI NAKILALANG SUSPEK SA BAYAN NG PARACALE!

http://camnortenews.com/page/wp-content/uploads/2017/03/paracalenew608.jpg

Abril 20, 2018, Paracale, Camarines Norte – Duguan at wala nang buhay ng madatnan ng kapulisan ang katawan ni Brgy. Kagawad Jezaril Mirandilla y Buenavista, 57 anyos, sa mismong tahanan nito sa Purok 6, Sitio Kurbada, Brgy. Tugos, Paracale, Camarines Norte kagabi, Abril 19, 2018.

Base sa tala ng Paracale Municipal Police Station, isang concerned citizen ang nagpaabot ng impormasyon ukol sa naganap umanong pamamaril sa nasambit na opisyal ng barangay sa sarili nitong tahanan dakong 7:45 kagabi.

Agad namang nagtungo ang kapulisan sa nasabing lugar at doon na nga tumambad ang bangkay ng biktima na nakabulagta sa center table sa terasa ng bahay nito.

Sa follow up investigation ng Paracale PNP, kadarating lamang noon ng biktima sa tahanan nito at nakaupo sa terrace ng bigla na lamang umano itong pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan na nagging sanhi ng agaran nitong pagkamatay habang agad naman umanong tumakas ang mga suspek patungo sa bahagi ng Brgy. Batobalani ng parehong bayan.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang motibo sa pamamaril.

Nagsasagawa na rin ng hot pursuit operation ang Paracale PNP para sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng tumakas na mga suspek at pagkadarakip ng mga ito.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *