Abril 21, 2018, Vinzons, Camarines Norte – Humigit kumulang isang kilo ng hinihinalang cocaine na nasa loob ng isang rubberized plastic bag ang natagpuang palutang lutang ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Vinzons, Camarines Norte, malapit sa Calaguas Island kahapon ng madaling araw.
Napag alaman na habang nangingisda ang mga mangingisda sakay ng bangkang FB Briyana na pag aari ni Ginoong Ronilo Leaño ay nakita umano ng mga ito ang isang itim na itim na rubberized plastic na palutang lutang sa dagat at nang kuning ay nadiskubreng naglalaman pala ng isang pakete ng hindi matukoy na uri ng powder na hinihinalang cocaine- isang uri ng ng illegal na droga.
Agad namang ipinaalam ng mga mangingisda sa may ari ng bangka ang kanilang natagpuan at pinabalik ang mga ito sa fish port habang nagtungo naman sa Vinzons PNP si G, Leaño upang ipaabot ang natanggap na impormasyon mula sa mga mangingisda.
Matapos ito ay agad ding nagtungo sa fish port ang mga personel ng Vinzons MPS kasama ang mga personel ng 503rd Maritime Police at Coast Guard upang magsagawa ng imbestigasyon at doon nga ay positibong tumambad sa mga ito ang pakete ng hinihinalang cocaine.
Samantala, sa panayam kay Pcinsp Charles De Leon, Hepe ng Vinzons PNP, sinabi nito na posibleng may kaugnayan ang nakuhang pakete sa una nang nakuhang 27 kilo ng hinihinala ding cocaine na nakalagay sa drum na nakuha naman ng mga magingisdang taga Quezon Province sa karagatang sakop din ng Camarines Norte kamakailan.
Gayunpaman, hindi aniya masabi sa ngayon kung saan posibleng nagmula ang mga ito o kung sadya bang itinapon lang sa karagatan at napadpad sa probinsiya dahilan sa mainit na transaksiyon ng illegal na droga ngayon sa kalupaan kaya naman nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang otoridad sa nakababahalang pagkakarekober ng hinihinalang illegal na droga.
Nakatakda na ring iturn -over ang hinihinalang illegal na droga sa Provincial Crime Laboratoty para sa kaukulang eksaminasyon.
Cmamarines Norte News

