Abril 30, 2018, Basud, Camarines Norte – Sugatan ang dalawang motorcycle driver at kapwa nito backrider matapos aksidenteng magkasalpukan ang sinasakyang motorsiklo sa Maharlika Highway, Purok 2, Barangay Pagsangahan, Basud, Camarines Norte dakong 5:00 ng madaling araw kamakalawa, Abril 28, 2018.
Sangkot sa naturang aksidente ang isang itim na Suzuki Smash single motorcycle na walang plate number na minamaneho ni Manuel Oclarin, 18 anyos, binate, residente ng Brgy. San Pascual ng nasambit na bayan. Sakay din ng naturang motorsilo ang backrider na si Arlan Zamudio Y San Juan, 23 anyos na residente naman ng Purok-5, Barangay Mantugawe.
Sa kabilang banda naman ay sangkot din ang isang pink na Suzuki Smash single motorcycle na may plate number 0501-012901 na minamaneho ni Rodelio Pegundo y Limay, 23 anyos, may asawa at residente ng Purok 3, Barangay Salvacion, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte habang backrider naman nito si Jobert Neverio y Ramirez, 21 anyos, residente ng parehong barangay.
Sa imbestigasyon ng Basud PNP, mula sa bayan ng Daet ay mabilis na tinatahak umano ng itim na Smash Suzuki ang kahabaan ng Maharlika highway patungo sa Brgy. San Felipe sa bayan ng Basud nang sa pagsapit sa lugar ng insidente ay kinain umano nito ang kabilang lane ng kalsada at doon na ito sumalpok sa kasalubong na pink Suzuki Smash na tinatahak ang kalsada patungo sa sentro ng bayan ng Basud.
Kapwa nagtamo ng mga injuries sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga driver at backrider ng parehong sasakyan na agad dinala sa Provincial Hospital ng mga rumispondeng personel ng MDRRMO.
Nasa kustodiya na ng Basud PNP ang dalawang sasakyang sangkot sa aksidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng aksidente.
Camarines Norte News

