Mayo 20, 2018, Daet, Camarines Norte – Tuluy-tuloy ang isinasagawang pagsasaayos ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa loob at labas ng pamilihang bayan.
Sa ngayon ay isa sa mga tinututukan ng LGU ay ang paglalagay ng mga bagong tiles sa mga daanan partikular na sa wet market section.
Layunin nito na maging mas kumportable sa mga mamimili na nagtutungo dito maging sa mga nagtitinda ang bahaging ito ng pamilihan na karaniwan ay nagpuputik at nakakasagabal sa kumportableng pamimili.
Siniguro rin ng LGU na angkop at magaspang ang tiles na inilalagay sa nasambit na daanan upang maiwasan ang anumang disgrasyang maaaring idulot ng basa at maputik na daanan.
Nabatid na isa sa mga prayoridad ni Mayor Benito “B2K” Ochoa ang pagsasaayos ng Daet Public Market kung saan marami na ang una nang naisaayos dito mula ng magsimula ang kaniyang paninilbihan bilang alkalde tulad ng pagsasaayos ng Market Administration Office, mga gutter, mga tumutulong bubungan, mga linya ng kuryente, bentilasyon, palikuran gayundin ang paglutas sa mga problema sa labas ng pamilihan tulad ng pagsisikip ng trapiko bunsod ng mga ambulant vendors at illegal parking ng mga motorista.
Camarines Norte News

