July 14, 2018, Daet Camarines Norte – Pinaplantsa na ngayon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office at ng Department of Environment and Natural Resources Office (DENR) ang planong pagkakaroon ng Minahang Bayan sa Lalawigan ng Camarines Norte. Ito’y matapos na isagawa ang pagpupulong noong araw ng Lunes (July 9,2018) na dinaluhan ng ibat-ibang organisasyon na may kaugnayan sa pagmimina at ito’y naganap sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan.
Mismong si DENR Regional Director Officer-In-Charge (OIC) Engr. Guillermo Molina Jr, ang tumayong Presiding Officer sa pagpupulong, na sinaksihan mismo ni Governor Jonah G. Pimentel, kasama si Board Member Gerry Quinones. Ipinakilala ng Technical Staff ng MGB ang ibat-ibang organisasyon sa pagmimina na siyang magiging mga petitioners na isa sa requirements ng MGB Central Office sa pagdedeklara ng Minahang Bayan.
Ayon kay Engr.Molina, napakahalaga na makakuha muna ng sertipikasyon galing sa National Commission on Indigenous People (NCIP) ang mga petitioners na magpapatunay na hindi maaapektuhan ang kanilang hanap-buhay sa lugar, kung saan itatayo ang Minahang Bayan. Kinakailangan din aniyang makumbinsi o makakuha ng consent o pahintulot ang mga petitioners sa mga Claim Owners na pumayag na magbigay ng bahagi ng lupa na pagmiminahan sa mga bayan ng Labo, Jose Panganiban at Paracale na siyang Mining Area ng ating Lalawigan.
Sa panig naman ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na pinamumunuan ni Engr. Leopoldo Badiola, nilinaw nito na ang gampanin o role ng mga petitioners ay isa lamang paraan o medium upang maideklara ang isang minahang bayan at hindi nangangahulugan na sila ay mga aplikante na, subalit prayoridad sila na makakuha ng Small Scale Mining Contract at makapagmina sa nabanggit na idedeklarang Minahang Bayan.
Idinagdag ni Badiola na wala namang pagtutol ang mga Claim Owners at ang nais lamang ng mga ito ay dumaan sa tamang proseso at huwag silang ma-agrabyado sa oras na magbukas na ang Minahang Bayan.
Sa huli ay nanawagan si Engr. Molina sa mga petitioners na agad kumpletuhin ang ilan pang mga requirements na hinihingi ng DENR at ng MGB Central Office para sa agarang deklarasyon ng Minahang Bayan sa Lalawigan ng Camarines Norte.
Matatandaan na una nang nagpalabas ng closure order ang MGB Regional Office taong 2017 sa lahat ng minahan sa ating lugar, at sa buong bansa, sa atas na rin ni dating DENR Sec. Gina Lopez.
Lino Malabanan, (DWCN 96.9)
For Camarines Norte News

