Hulyo 16, 2018, Daet, Camarines Norte – Patuloy ang isinasagawang monitoring at control activities ng LGU Daet sa pamamagitan ng Municipal Veterinary Office kaugnay ng diumano ay tumataas na reklamo ng mga nakakagat ng stray animals partikular na ng mga aso.
Ayon sa tanggapan ng MVO, nagsasagawa ng pag iikot sa mga barangay sa bayan ng Daet ang kanilang Dog Patrol katuwang ang Provincial Veterinary Office hindi lamang upang hulihin ang mga asong pag gagala kundi upang magpaalala rin sa mga kababayan na maging responsableng dog owners.
Kanila umanong inabisuhan ang mismong mga dog owners na talian at tiyaking nasa loob ng kanilang bahay o bakuran ang kanilang mga aso upang maiwasan ang mga kaso ng pamiminsala ng mga ito.
Mahigpit din umano ang kanilang paalala sa mga dog owners na sumunod sa kanilang abiso upang hindi magdulot ng problema sa oras na makita ng Dog Patrol na gumagala sa kalasada ang kanilang aso. Karaniwan aniyang nangyayari na sa tuwing iikot ang dog patrol ay agad papapasukin ang mga alagang aso subalit makalipas ang ilang araw ay pababayaan na ito
Problema rin umano ang mga sitwasyon kung saan kapag may biktima nang nakagat ang asong gumagala ay wala ng umaakong may – ari nito.
Kaya naman sa huli ay nanawagan ang Municipal at Provincial Veterinary Office na makiisa ang mga barangay upang masolusyunan ang aturang problema at maisakatuparan ang temang “Barangay Kaagapay, Laban sa Rabis Tagumpay” ngayong Rabies Awareness Month.
Camarines Norte News

