Agosto 14, 2018, Daet, Camarines Norte – Isa nanamang pagkilala ang natanggap ni Mayor Benito “B2K” Ochoa ng bayan ng Daet para sa walang sawa nitong suporta sa mga programa at proyekto ng ahensiya ng pamahalaan.
Nitong nakatalikod na Agosto 3, 2018, iginawad sa naturang alkalde ang Plaque of Appreciation mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Office V sa pamumuno ni BFP Regional Director F/SSupt Victor Vibares.
Iginawad ang nasambit na plaque ng pagkilala kasabay ng pagdiriwang ng 27th BFP Anniversary 2018 sa La Piazza Hotel sa Legazpi City.
Ang nasabing parangal ay bilang pagkilala ng BFP sa hindi matatawarang pagpupursigi, dedikasyon at pagtupad sa tungkulin ng alkalde bilang lingkod at punong bayan lalung lalo na sa pagpapakita ng suporta nito sa kampanya ng ahensiya tungo sa ligtas sa sunog na pamayanan alinsunod sa bisyon at mission ng BFP.
Samantala, nitong nakatalikod na Agosto 6, 2018, kasunod ng isinagawang flag ceremony sa harap ng Bulwagang Pampamahalaan ng Daet ay muling iginawad ang naturang pagkilala sa alkalde sa harap ng mga kawani ng LGU Daet at ng mga kawani ng BFP Daet.
Pinangunahan ang pagpaparangal ni Daet Fire Marshall SInsp Adonis Osea. Tinanggap naman ni Vice Mayor Cony B. Sarion ang naturang plaque sa ngalan ni Mayor Ochoa na hindi nakadalo sa nasambit na pagpaparangal.
Camarines Norte News

