Setyembre 7, 2018, Daet, Camarines Norte – Umaray ang maraming Bicolano matapos na maranasan ang 9% inflation rate nitong buwan ng Agosto na siyang pinakamataas na antas kumpara sa iba pang rehiyon sa bansa
Base sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA),ang rehiyong Bicol nga ang nakapagtala ng pinakamataas na antas ng inflation rate sa mga rehiyon sa bansa na pumalo sa 9%, mas mataas pa sa pangkalahatang 6.4% inflation rate na naranasan sa buong bansa nito lamang nakalipas na buwan ng Agosto, taong kasalukuyan.
Itinuturong sanhi nito ang kakapusan ng bigas sa national food authority, nararanasang el niño o rainfall deficit na malaking nakaapekto sa mga pananim sa ilang lugar at pagbaba ng piso kontra dolyar. Dagdag pa rito umano ang “inefficiency performance” ng ilang economic managers ng Duterte administration.
Ayon sa DTI -Camarines Norte tumaas sa limampung sentimo hanggang piso ang itinaas ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan. Matatandaang patuloy ang pagtaas ng halaga ng petrolyo, kasama na rin ang inangkat na mga gulay sa ilang lalawigan na nagtaas ng presyo dahil sa epekto ng habagat. Wala namang namomonitor ang dti na nananamantalang mga negosyante sa mga merkado.
Samantala, ayon sa pag-aaral ng isang dalubhasa na si Prof. Nandy Aldaba ng Economics Dept., Ateneo de Manila University, ang nararanasang inflation rate sa bansa ay nangangahulugan na sa bawat 10% na pagtaas sa pagkain, 2.3 milyong pilipino ang masasadlak sa kahirapan, sa 10% increase sa mga non-food items ay 1.7 milyong mamamayan naman ang malilikha na mahirap.
Sa 10% pagtaas sa halaga ng bigas, dagdag na 0.66 million umano ang maghihirap at 10% dagdag sa halaga ng petrolyo ay 0.16 milyong pilipino naman ang malilikha na mahirap.
Orlando Encinares
Camarines Norte News

