Setyembre 27, 2018, Daet, Camarines Norte – Walang naitalang kaso ng pagkamatay dahil sa tigdas sa bayan ng Daet taliwas sa napapabalitang apat (4) umanong indibidwal na namatay dahil sa nasabing karamdaman.
Ito ang nilinaw ni Municipal Health Office – Officer in Charge Dr. Noel Delos Santos sa naging panayam ng Cool Radio News Fm kahapon.
Aniya, base sa report ay mayroon animnaput dalawang (62) naitalang kaso ng nasambit na sakit sa buong lalawigan ng Camarines Norte kung saan dalwamput lima (25) sa mga ito ang mga confined cases at nakolektahan na ng blood sample para sa confirmatory test sa kamaynilaan.
Samantala, limang (5) kaso naman ng pagkamatay dahil sa tigdas ang naitala. Dalawa (2) sa bayan ng Mercedes habang tatlo (3) naman sa bayan ng Capalonga.
Kaugnay nito, nagpapatuloy umano ang Supplemental Immunization Program o bakuna ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamamagitan ng kanilang opisina para sa mga kabataang Daeteño na may edad anim pababa upang maiwasan na tamaan ang mga ito ng naturang karamdaman na dulot ng isang virus na kung tawagin ay Morbillivirus paramyxovirus.
Hinikayat din ng doktor ang mga mamamayan na agad magpakonsulta sakaling makaranas ng mga sintomas nito partikular na ang mga rashes na karaniwang lumalabas sa ika-5 hanggang ika-7 pitong araw ng lagnat.
Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng tigdas ay Pagkakaroon ng lagnat, pamumula at pananakit ng mata, tuyong ubo o dry cough, sipon, maliit na puting spot na karaniwang nasa loob ng bibig, kawala ng gana sa pagkain, pagkahapo, pananakit ng katawan, pagtatae at pagsusuka.
Camarines Norte News

